Anti-illegal drugs operations sa Rizal, pinaigting ng PNP

 
Batay sa ulat ng Rizal PPO, nasa dalawang drug personalities kabilang ang isang itinuturing high valued individual sa pagbebenta ng illegal na droga ang naaresto nito sa magkahiwalay na operasyon sa San Mateo at Antipolo City, Rizal kamakailan.
 
Ayon sa Rizal PPO, mahigit 106 gramo ng shabu na may halagang aabot sa Php723,384.00 ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa mga suspek.
 
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kanya-kanyang operating units ng San Mateo at Antipolo City Police Stations ang mga naarestong suspek habang ang mga kumpiskadong ebidensya ay isinumite sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa forensic examination at disposition.
 
Nahaharap ang dalawang naaresto sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.
 
Binigyang diin ni P/Col. Dominic Baccay, Rizal PPO Director, na ang kapulisan ng Rizal ay hindi titigil sa pagsugpo sa mga nagbebenta ng ilegal na droga sa probinsiya.
 
“Sinisiguro ng Rizal PNP na ang mga mamayan at probinsya ng Rizal ay ligtas mula sa mga ilegal na aktibidad, illegal drugs at kriminalidad,” ani Baccay.
 
Pinuri rin ni Baccay ang naging   matagumpay na operasyon ng kapulisan at nanindigan ito na lalong magsisigasig upang mahuli ang mga taong patuloy na tumatangkilik at nagbebenta ng iligal na droga sa probinsya.
 
Aniya, bahagi rin ito ng paghahanda ng kapulisan kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at maiwasan ang anumang kaguluhan o iba pang kriminalidad. (PIA RIZAL)

In other News
Skip to content