Ipinapaliwanag ni Provincial Agriculturist Engineer Alrizza Zubiri, espesyal ang Arawatan Trade Fair sa taong ito dahil bukod sa mga produktong agrikultura, itinampok din ang kultura, magagandang destinasyon o tourism spots, at mga produktong ani at gawa sa bawat bayan sa lalawigan
Promosyon ng mga lokal na produkto. Ito ang isa sa mga aktibong suporta na ibinibigay ng Pamahalaang Panlalawigan (LGU) sa mga agriculture product producer at mga bagong entreprenyur ng probinsya.
Ngayong taon, tinulungan ng LGU ang mga magsasaka at micro small and medium enterprises (MSMEs) na makadalo sa mga product promotional event sa loob at labas ng lalawigan. Kabilang dito ang Philippine Travel Mart na ginanap sa Metro Manila noong Setyembre; ang Agbiliwa Trade Fair na taunang isinasagawa ng Panlalawigang Tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI); at, ang katatapos lamang na Arawatan Agri-Trade Fair.
Isa sa mga tampok na aktibidad sa Arawatan Festival o Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Occidental Mindoro, isinagawa ang 2023 Agri-Tourism Trade Fair noong ika-9 hanggang 15 ng Nobyembre.
Ayon kay Provincial Agriculturist Engineer Alrizza Zubiri, espesyal ang Arawatan Trade Fair sa taong ito dahil bukod sa mga produktong agrikultura, itinampok din ang kultura, magagandang destinasyon o tourism spots, at mga produktong ani at gawa sa bawat bayan sa lalawigan.
“Ang Agri-tourism Trade Fair ang perfect venue para maipakita natin kung gaano kaganda at kung gaano kayaman ang ating lalawigan,” ayon kay Zubiri.
Sinabi rin ng opisyal na ang mga programa sa promosyon ng local products ay naaayon sa nais ng LGU na maipakilala sa labas ng probinsya ang magagandang lugar at matataas na uri ng produkto meron ang lalawigan.
“Target ng ating kapitolyo na maka-penetrate hanggang sa ibang bansa ang ating local products,” saad pa ni Zubiri.
Aniya, maipagmamalaki ng lalawigan ang sustainable supply ng palay, mais, sibuyas at iba pang agricultural products, gayundin ang pagpapanatili na walang kaso ng African Swine Fever (ASF).
“May mga sakahan din tayo na sinertipikahan ng Department of Agriculture na nagsasagawa ng Good Agricultural Practice (GAP),” dagdag pa ni Zubiri.
Nangangahulugan aniya na sumusunod ang mga ito sa tamang proseso ng pagtatanim at pag-aalaga ng hayop upang matiyak na ligtas itong ikonsumo.
Binigyang diin ng opisyal na ang mga nabanggit na katangian ay sapat upang ipagmalaki ng lalawigan ang ang mga lokal nitong produkto at makisabay sa iba pang probinsya.
Ipinapanawagan ni Zubiri sa publiko, na suportahan ang mga magsasaka at MSMEs sa pamamagitan ng pagtangkilik sa kanilang mga produktong gawa sa lalawigan, hindi lamang tuwing may promotional event tulad ng Arawatan Trade Fair, kundi sa lahat ng pagkakataon. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)