PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Isinagawa sa lalawigan ng Palawan ang “Art in the Workplace: Sining Alay sa Manggagawa” sa pamamagitan ng Cultural Exchange Department ng Cultural Center of the Philippines (CCP) katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Negros Cultural Foundation kamakailan.
Layunin ng programa na bigyan halaga at pagpupugay ang mga lokal na mangingisda sa Palawan sa pamamagitan ng espesyal na pagtatanghal ng mga kilalang alagad ng sining sa teatro, pelikula at telebisyon na sina Isay Alvarez, Robert Seña, Soliman Cruz kasama ang biolinista at musikerong si Jobry Cimafranca.
Kasama rin sa aktibidad na ito ang dalawang araw na Poetry Theater Worskshop na dinaluhan ng 50 Palaweño artist.
Nagsilbing trainer sa workshop ang beteranong aktor sa teatro, pelikula at telebisyon na si Soliman Cruz.
Ang mga Palaweño artists na lumahok sa workshop ay kinabibilangan ng mga mananayaw ng Palawan Dance Ensemble
ng pamahalaang panlalawigan, Perlas ng Silanganan Dance Troupe ng Palawan Polytechnic College Inc. (PPCI), Palawan Sining Dance Troupe at ilang Bachelor of Arts Communication students ng Palawan State University.
Naghatid naman ng kasiyahan sa mga manonood ang awitin, musika at tula na itinanghal ng World Class Theatre Icons na sina Isay Avarez, Robert Seña, Soliman Cruz, Jobry Cimafranca gayundin ang sayaw para sa mga mangingisda ng Palawan Dance Ensemble ng kapitolyo at mga Palaweñong naging bahagi ng Theater Workshop.
Sa huling bahagi ng programa ay nagpasalamat ang pangulo ng samahan ng mga mangingisda sa bayan ng Aborlan na si G. Loreto Belarmino sa imbitasyon ng CCP at ng Pamahalaang Panlalawigan at pagkilala sa kahalagahan ng kanilang hanapbuhay. Pinagkalooban naman ng kits at tokens ang mga dumalong mangingisda na kanilang maggagamit sa paghahanapbuhay. (OCJ/PIA-Palawan)
Naghatid ng kasiyahan sa mga manonood ang awitin, musika at tula na itinanghal ng World Class Theatre Icons na sina Isay Avarez at Robert Seña sa kanilang espesyal na pagtatanghal kaugnay ng isinagawang Art in the Workplace: Sining Alay sa Manggagawa sa Palawan. (Mga larawan mula sa PIO-Palawan)