LEGAZPI CITY ALBAY (PIA5/Albay) — Binuksan na sa publiko ang ArtNihan Coffee Painting Art Exhibit sa Cafe Fabrika, Kimantong, Daraga Albay simula nitong Pebrero 11 at magtatagal hanggang sa Pebrero 25.
Tampok dito ang obrang gawa ng mga Bicolano artists at mga budding artists , gamit ang kape.
Binuksan din ang on-the-spot painting ng mga pintor at freedom canvas.
OBRA | Ibinida ng Bicolano Artists ang kanilang ipinintang larawan gamit ang kape sa ArtNIhan Coffee Painting Art Exhibit mula ika-11 hanggang 25 ng Pebrero, 2023 sa Cafe Fabrika, Kimantong, Daraga Albay.
Ayon kay Art Lift Ph – Bicol founder at visual artist Dennis Concepcion, naisipan niyang dalhin sa Albay ang pamamaraang ito matapos makakita ng mga paintings na gawa sa kape.
Aniya, ang mga obra ay maaaring bilhin sa halagang P500 hanggang P3,500.
Ayon sa artist na si Christian Jhan Loba mula Pandan, Daraga Albay hindi niya ipagbibili ang kaniyang obra.
”Walang worth, priceless po iyan,” sabi pa nito.
REGALO | Itinampok ng artist na si Christian Jhan Loba mula Pandan, Daraga Albay ang coffee painting na ireregalo niya sa kaniyang girlfriend sa paparating na valentines day sa isinagawang ArtNIhan Coffee Painting Art Exhibit.
Itinampok niya sa exhibit ang larawan ng kaniyang girlfriend gamit ang kape.
”Regalo ko na sa kanya yan sa Valentines day,” saad ni Loba.
Ani Loba isang araw niya lang ginawa ang pagpinta nito.
”First time ko nga lang yan i-try kaso mahirap pala siya, parang madali lang pero mahirap siya,” ani Loba.
Aniya, bulontaryo ang kanilang paggawa ng mga painting sa ArtNihan Coffee Painting Art Exhibit.
”Ito ay nagsisilbing oportunidad sa amin na makapag exhibit, at maibenta ang mga artworks. Isa din itong tulay upang mas lalo pa silang makilala bilang artist sa larangan ng Sining,” saad niya.
Ang ArtNihan ay bahagi ng pagdiriwang ng National Art’s Month na may temang, ”Ani ng Sining, Bunga ng Galing.” (SAA/CLM-PIA5/Albay)