PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Isinagawa sa Bayan ng Narra kamakailan partikular sa Bgy. Antipuluan ang Awarding at Groundbreaking Ceremony ng Swine Artificial Insemination (AI) sa Barangay (SWAIB) Project.
Ito ang kauna-unahang SWAIB project sa lalawigan na naisakatuparan sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion o INSPIRE ng Department of Agriculture (DA) – National Livestock Program.
Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng Department of Agriculture- Agricultural Training Institute (DA-ATI)-MIMAROPA at sa pakikipagtulungan ng Provincial Veterinary Office (PVO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at LGU-Narra.
Layon ng naturang programa ang pagpaparami at pagpapataas ng kalidad ng lokal na baboy o swine na makatutulong sa lalo pang pagpapaigting ng swine industry sa lalawigan.
Pinondohan ito ng Department of Agriculture ng P2M.
Inaasahan naman na ang naturang programa ay magbubukas ng mas marami pang mga proyekto sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Pamahalaang Nasyunal partikular sa industriya ng pagbababoy.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan nina Pat Andrew B. Barrientos, Center Director ng DA-ATI MIMAROPA, kasama sina Dr. Darius Mangcucang, OIC ng Provincial Veterinary Office at Executive Assistant Ill Christian Albert Sabando Miguel bilang kinatawan ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates.
Naging saksi rin dito sina Board Members Ryan D. Maminta at Ariston D. Arzaga; Sangguniang Bayan Member Nonoy Verano ng Narra at Mr. Ariel Colongon, Member and Adviser ng Palawan Swine Breeder Association. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Tinanggap kamakailan ng mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Narra ang tseke na nagkakahalaga ng P2M para sa Swine Artificial Insemination (AI) sa Barangay (SWAIB) Project mula sa Department of Agriculture (DA). (Larawan sa itaas at ibaba ay mula sa PIO-Palawan)