LUNGSOD NG COTABATO (PIA)– Itinurnover kamakailan ng pamahalaan ng BARMM, sa pamamagitan ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG-BARMM) ang bagong community center sa Barangay Buricain, Pigcawayan cluster sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.
Ang activity center na nagkakahalaga ng P5 milyon ay pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund (SDF) ng pamahalaan ng BARMM. Layon ng programa na pondohan ang pagpapatayo ng mga gusali at iba pang mga pasilidad sa BARMM, lalo na sa mga lugar na apektado ng mga armadong tunggalian.
Sa isang pahayag, sinabi ni MILG-BARMM minister Naguib Sinarimbo na ang Barangay Buricain ay isa sa labing isang barangay sa bayan ng Pigcawayan na ngayon ay bahagi na ng SGA ng BARMM sa North Cotabato.
Matatandaang ang mga barangay na ito ay kabilang sa anim na pu’t tatlong barangay sa North Cotabato na bumoto upang maging bahagi ng BARMM sa isinagawang plebisito noong taong 2019.
Kaugnay pa rin dito, tiwala naman ang pamahalaan ng BARMM na makatutulong ang nasabing pasilidad na magsisilbing pagdaraosan ng iba’t ibang mga programa at aktibidad sa lugar. (With reports from MILG-BARMM).