Bagong paaralan, itatayo sa Cagayan

LAL-LO, Cagayan (PIA) – – Sinimulan na ang pagtatayo ng mga silid aralan para sa bagong paraalang sekondarya sa Barangay Bical, Lal-lo, Cagayan matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony na pinangunahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Lal-lo, Kagawaran ng Edukasyon at ng Natures Renewable Energy Development Corporation (NAREDCO).

Ayon kay Mayor Florante Pascual nagbigay ang NAREDCO ng P14 milyon para sa pagpapatayo ng apat na classroom na siyang magiging unang mga silid aralan ng itatayong Bical National High School.

Ang isang ektaryang lupain naman ay donasyon ng labing tatlong pamilya.

“Hindi na maglalakad ng malayo ang mga estudyante o gagastos ng pamasahe dahil inilapit na sa mga mamamayan ng Bical at karatig barangay nito ang paaralan,” pahayag ng alkalde.

Ayon pa kay Mayor Pascual ang proyekto ay bunga ng maayos ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang institusyon at ahensiya.

Ito rin aniya ay patunay na isinusulong ng pamahalaang lokal ng Lallo ang edukasyon bilang isa sa mga prayoridad na proyekto.

Ayon naman kay Anabele Natividad, senior vice president ng ACEN at siyang kumatawan sa NAREDCO, ang pagpapatayo ng eskwelahan ay isa sa naging prayoridad ng kanilang kumpaniya dahil naniniwala sila na mahalaga ito sa paghubog ng kinabukasan ng mga bata.

Siniguro naman ni DepEd Regional Director Benjamin Paragas na kanilang susuportahan ang proyekto at palalaguin pa ang bagong tayong paaralan.

Sa ngayon ay mayroon nang mahigit 40 na mga Grade 7  na siyang magiging pioneer students ng Bical National High School. Sila ay pansamantalang nakikisilong sa Bical Elementary School habang ginagawa ang nasabing eskwelahan.

Lubos naman ang pasasalamat ni Kapitan Conrado Columna ng Barangay Bical sa pagbibigay katuparan sa matagal na nilang pangarap na magkaroon ng sariling high school hindi lamang para sa mga mag-aaral mula sa Bical kundi pati narin sa ibang mga kalapit barangay nito.

Bilang tanda naman ng pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa NAREDCO at sa mga pamilyang nagdonate ng lupain ay pinangunahan ni Mayor Pascual at Vice Mayor Olive Pascual ang pagbibigay ng parangal sa mga ito.

Ayon kay Vice Mayor Pascual hindi maisasakatuparan ang proyekto kung wala ang mga suporta ng komunidad, lalo na ang NAREDCO at mga donor ng lupa kung saan itatayo ang bagong paraalan. (OTB/PIA Region 2)

In other News
Skip to content