Bagong Pilipinas mobile PCF, magbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga Palawenyo

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Ngayong unang tatlong buwan ng taong 2025 ay inaasahang magsisimula nang magserbisyo ang Bagong Pipinas Mobile Primary Health Care Facility na ibinigay ng Department of Health (DOH) sa Provincial Health Office ng Palawan.

Ayon kay Provincial Health Officer, Dr. Faye Erika Labrador, dumating ang nasabing mobile PCF nito lamang Disyembre 2024.

Layunin ng nasabing pasilidad na makapagbigay at mailapit sa mga Palawenyo ang napapanahong serbisyong pangkalusugan partikular na sa mga liblib na lugar na walang kakayang pumunta sa mga health facilities ang mga residente.

“’Yong atin pong Bagong Pilipinas na primary mobile facility ay donated po ng DOH. Actually ‘yong purpose po ng atin pong mobile PCF na tinatawag na primary care facility ay para po maipaabot sa ating mga kababayan ang serbisyong pangkalusugan ng timely as well as maaabot po ‘yong ating mga GIDA areas, ‘yon pong mga geographically isolated and  ‘yong mga areas na hindi natin prequently napupuntahan at hindi rin po nakakapunta po sa ating mga health facilities na mga constituents ay maabot po natin,” pahayag ni Labrador.

Ang Bagong Pilipinas PCF ay may mga medical na kagamitan katulad ng ultrasound, mobile digital X-ray machine, cholesterol and glucose monitors, 12-lead ECG, clinical hematology analyzer, microscope, spirometer, infrared forehead thermometer at generator.

Ilan sa mga serbisyong maibibigay ng pasilidad ay ang basic laboratories, HIV at Malaria testing, ECG, dental care at iba pa. Libre itong mapapakinabangan ng mga Palawenyo.

“Libre po ito. Katunayan, katulad din po ng ibang services ng PHO, libre po ang ating konsultasyon at mga laboratory po sa ating mobile PCF. Sa ating mobile clinic, we have the xray, for basic laboratory, urinalysis, pwede rin po dito mag-conduct ng blood chem, syempre pwede rin dito mag-conduct ng HIV testing, malaria, leprosy na testing din po dito. Mayroon din po tayong ECG, may dental chair po dito, so we can conduct dental services and mayroon din po itong included na laptop for recording ng ating data and consulation po,” dagdag pa ni Labrador.

Ayon pa sa kanya, isa sa kagandahan ng mobile PCF ay dahil sa early diagnosis, magkakaroon ng pagkakataon ang pasyente na maiwasan o maagapan ang mga sakit na matutukoy dito.

Sa kasalukuyan ay pinoproseso na ng PHO ang mga dokumento ng mobile PCF para mabigyan na ito ng lisensiya at patuloy din ang pangangalap ng PHO ng mga health worker na magtatrabaho sa nasabing pasilidad. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

In other News
Skip to content