PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Inaasahang magsisimula na ngayong unang tatlong buwan ng taong 2025 ang mga serbisyo ng Bagong Pilipinas mobile Primary Health Care Facility (PCF) na ibinigay ng Department of Health (DOH) sa Provincial Health Office ng Palawan.
Ayon kay Provincial Health Officer, Dr. Faye Erika Labrador, dumating ang nasabing mobile PCF noon lamang Disyembre 2024.
Layunin ng pasilidad na makapagbigay at mailapit sa mga Palawenyo ang napapanahong serbisyong pangkalusugan, partikular na sa mga liblib na lugar na walang kakayahang pumunta sa mga health facility ang mga residente.
“’Yung atin pong Bagong Pilipinas na primary mobile facility ay donated po ng DOH. Actually ‘yung purpose po ng ating pong mobile PCF na tinatawag na primary care facility ay para po maipaabot sa ating mga kababayan ang agarang serbisyong pangkalusugan at maaabot po ‘yung ating mga GIDA areas — ‘yon pong mga geographically-isolated at ‘yong areas na hindi natin madalas na napupuntahan at hindi rin po nakakapunta po sa ating health facilities na constituents ay maabot po natin,” pahayag ni Labrador.
Ang Bagong Pilipinas PCF ay may mga medical na kagamitan katulad ng ultrasound, mobile digital X-ray machine, cholesterol and glucose monitors, 12-lead ECG, clinical hematology analyzer, microscope, spirometer, infrared forehead thermometer, at generator.
Ilan sa mga serbisyong maibibigay ng pasilidad ay ang basic laboratories, HIV at Malaria testing, ECG, dental care, at iba pa. Ang lahat ng mga ito ay libreng mapapakinabangan ng mga Palawenyo.
“Katunayan, katulad din po ng ibang services ng PHO, libre po ang ating konsultasyon at mga laboratory po sa ating mobile PCF. Sa ating mobile clinic, we have the X-ray, basic laboratory, urinalysis, pwede rin po dito mag-conduct ng blood chem, syempre pwede rin dito mag-conduct ng HIV testing, malaria, leprosy na testing din po dito. Mayroon din po tayong ECG, may dental chair po dito, so we can conduct dental services at mayroon din po itong kasamang laptop for recording ng ating data and consultation po,” dagdag pa ni Labrador.
Ayon pa sa kanya, isa sa kagandahan ng mobile PCF ay dahil sa early diagnosis, magkakaroon ng pagkakataon ang pasyente na maiwasan o maagapan ang mga sakit na matutukoy dito.
Sa kasalukuyan ay pinoproseso na ng PHO ang mga dokumento ng mobile PCF para mabigyan na ito ng lisensya at patuloy din ang pangangalap ng PHO ng mga health worker na magtatrabaho sa nasabing pasilidad. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)