SANTA CRUZ, Marinduque (PIA) — Napakikinabangan na ng mga mamamayan ang bagong gawang tulay at flood control structure ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Brgy. Pulong Parang sa bayan ng Santa Cruz.
Ayon kay Engr. Evelyn R. Puertollano, District Engineer ng DPWH-Marinduque District Engineering Office, ang nasabing proyekto ay binuo sa pamamagitan ng dalawang kontrata kung saan ang unang kontrata ay may pondong P30 milyon at ang ikalawang kontrata ay may alokasyon na P25 milyon.
Saklaw ng unang kontrata ang kontruksyon ng prestressed concrete girder sa RC-driven piles na ginawa ng Syndtite Construction Corporation. Nakapaloob naman sa ikalawang kontrata ang pagkompleto sa tulay na may habang 142.75 linear meter, lapad na 6.10 linear meter at kapal na 0.23 meter.
Bahagi rin ng ikalawang kontrata ang pagsasaayos ng slope protection sa pamamagitan ng stone masonry at pagko-kongreto ng flood control structure kung saan ito ay pinangasiwaan ng Zuiden Builders, Inc.
Bago maitayo ang Pulong Parang Bridge, dumaraan ang mga residente sa ilog para makarating sa karatig-barangay na nagdudulot ng malubhang panganib sa kanilang kaligtasan lalo na sa panahon ng malakas na pag-ulan, baha at matinding bagyo.
Kaya nang matapos ang bagong gawang tulay at ang flood control structure, lubos ang naging pasasalamat ng mga residente ng Brgy. Pulong Parang, Brgy. Masalukot at iba pang mga kalapit na lugar.
“Labis-labis po ang aking kasiyahan at pasasalamat kay Congressman Lord Allan Jay Velasco, Gob. Presbitero Velasco, Jr. at sa DPWH sapagkat sa mahabang panahon na aming paghihintay, sa wakas ay naisakatuparan na ang aming panalanging magkaroon ng tulay dito sa aming barangay,” pahayag ni Benito R. Pilar Jr., kapitan ng Brgy. Pulong Parang.
Sa ngayon ay ligtas nang nakadaraan ang mga mamamayan kahit sa panahon ng mapanirang kalamidad at nagresulta rin para mapabilis ang transportasyon ng mga produktong ani ng mga magsasaka para dalhin at ibenta sa kabayanan. (RAMJR/PIA Mimaropa-Marinduque)