LUNGSOD QUEZON (PIA) – Pormal nang inilunsad ng Pilipinas noong Marso 27 ang Women, Peace and Security Center of Excellence (WPS CoE) sa pangangasiwa ng OPAPRU, kasunod ng kasunduan sa US Department of State Secretary’s Office of Global Women Issues (S/GWI).
Ayon kay Presidential Peace Adviser Secretary Carlito G. Galvez, Jr., “Ang pagtatatag ng WPS Center of Excellence sa Pilipinas ay tunay na isang mahalagang hakbang, hindi lamang para sa ating bansa kundi para rin sa pandaigdigang WPS agenda.”
Binigyang-diin ni OPAPRU Executive Director Susana Guadalupe H. Marcaida na layunin ng sentro ang pagpapalaganap ng WPS principles sa conflict transformation. “Ang Women, Peace and Security Center of Excellence ay isang kolektibong plataporma. Sa pamamagitan ng may kaalaman at aktibong pakikilahok at pakikipagtulungan, ang mga layunin at inisyatibang ito ay abot-kamay natin,” aniya.
Samantala, ayon kay DBM Secretary at Advisory Council Chairperson Amenah Pangandaman, “Ipinagmamalaki ko na mayroon na tayong isang sentro sa rehiyon na kung saan maaaring magbahagi ng pinakamahuhusay na kasanayan, bumuo ng mga pakikipagtulungan, at palakasin ang ating kakayahan sa pagpapatupad ng WPS initiatives.”
Pinuri ni Executive Director Melanne Verveer ng Georgetown Institute for WPS ang Pilipinas bilang isang modelo sa pagsusulong ng WPS agenda. Ipinakita ng bansa sa buong mundo ang isang mahusay na modelo ng komprehensibong proseso ng kapayapaan sa pamamagitan ng Bangsamoro.
Ang WPS CoE ay tututok sa pagpapatupad ng National Action Plan on Women, Peace and Security (NAPWPS) at pagpapalakas ng WPS initiatives sa buong Asia-Pacific region. (AVS / PIA-NCR)