Bambang By-Pass road, malapit nang matapos

BAMBANG, Nueva Vizcaya (PIA) – Kulang sa isang kilometro na lamang ang hindi pa natatapos sa bahagi ng By-Pass Road sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Engineer Elmer Escobar, project engineer ng Department of Public Works and Highways, nakatuon ang kanilang trabaho sa elevation design ng nasabing proyekto sa parte nitong mabundok.

“Isinasagawa na ang excavation works sa mabundok na bahagi nito upang hindi masyadong matarik na akyatin para sa ating mga motorista. Ang pabago-bagong panahon ang hamon sa kontraktor upang maituloy ang excavation works saka isasagawa ang concreting phase nito,” pahayag ni Escobar.

Ang mahigit limang kilometrong By-Pass road sa bayang ito ay hinihintay ng mga motorista upang hindi sila maantala sa matinding trapiko sa poblacion.   

Umaasa si Escobar na  matatapos sa lalong madaling panahon ngayong taon ang earth moving/excavation works upang maumpisahan na nila ang road concreting ng nasabing daanan

May pondo itong nakalaan ngayong taon na nagkakahalaga ng P897.85 million.

Ayon sa DPWH, mas bibilis ang biyahe ng mga commuters papuntang Maynila sa oras na matatapos ng ang nasabing Bambang By-Pass Road Project.

Dagdag pa sa report ng DPWH na bababa sa 45 hanggang 60 minutes ang travel time ng mga 10,000 na manlalakbay bawat araw sa oras na matapos ang buong By-Pass Road Project.

Ayon pa kay Engineer Escobar, sarado muna sa mga motorista ang By-Pass Road at hinihintay nila ang order mula sa kanilang Regional Office para sa pansamantalang pagbubukas nito sa mga light vehicles upang magamit muna ng mga motorista.

“Sa oras na bubuksan ito, pinapaalala namin sa ating mga motorista na mag-ingat lalo na sa may bahagi nitong nasira dahil sa nakaraang hagupit ng supertyphoon ‘Pepito’,” pahayag ni Escobar.  (OTB/BME/PIA NVizcaya)

In other News
Skip to content