Bangko Sentral ng Pilipinas-Palawan, bukas na

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Bukas na sa publiko ang sangay ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Palawan matapos na mapasinayaan ito kahapon, Hunyo 15.

Ang pagpapasinaya ng gusali ay pinangunahan ni BSP Governor Felipe M. Medalla, kasama sina Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates, at Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron.

Matatagpuan ito sa National Highway, Brgy. San Jose sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ang BSP-Puerto Princesa Branch ay magsisilbing currency requirements ng 23 munisipyo sa lalawigan kasama na ang lungsod ng Puerto Princesa at maging ng mga lalawigan sa rehiyong Mimaropa.

Ang pagbubukas ng tanggapan ng BSP ay nagpapalawak ng presensya ng Bangko Sentral sa buong bansa.

Ilan sa mga serbisyong maibibigay nito ay ang pagsasagawa at pangangasiwa ng cash operations, tulad ng withdrawal, pagdi-deposito, palitan ng pera, at kasama rin dito ang mga operasyon sa pagbili ng ginto sa mga piling lugar.

Sa mensahe ni Medalla, sinabi niya na asahang magiging bago na ang mga luma at kupas na salaping papel na umiikot sa probinsya.

Ilan sa mga salaping papel ng Pilipinas ay makikita ang mga magagandang tanawin at pasyalan sa Palawan tulad na lamang ng Puerto Princesa Underground River na makikita sa P500 at ang south sea pearl naman na makikita sa P1,000.

Dumalo rin sa inagurasyon sina Monetary Board Members Peter B. Favila, Antonio S. Abacan Jr., V. Bruce J. Tolentino, at Anita Linda R. Aquino; BSP Deputy Governors Mamerto E. Tangonan, Eduardo G. Bobier, at Bernadette Romulo-Puyat; BSP Senior Assistant Governor (SAG) at General Counsel Elmore G. Capule; SAG Edna C. Villa; Sector-in-Charge Thomas Benjamin B. Marcelo; at Puerto Princesa City Vice Mayor Maria Nancy M. Socrates.

Naroon din ang mga opisyal ng BSP mula sa Manila Head Office at South Luzon branches, Palawan Bankers Association officers at local bank managers, at mga miyembro ng local media. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)


Pinangunahan niBSP Governor Felipe M. Medalla, kasama sina Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates, at Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang pagpapasinaya ng sangay ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa Palawan noong Hunyo 15, 2023. (Larawan ni Rachel Ganancial)

In other News
Skip to content