Bangsamoro LTO, may paalala sa mga driver ngayong holiday season

Photo courtesy of the Bangsamoro Land Transportation Office

 

LUNGSOD NG COTABATO (PIA)—Pinaalalahanan ng Bangsamoro Land Transportation Office ang publiko, lalo na ang mga drayber, na siguraduhing updated ang kanilang vehicle registration at driver’s license ngayong holiday season.

Sa programang PIA Talakayang Dose kamakailan, nagbigay ng paalala si Atty. Lyzzaik Laguialam, chief ng Bangsamoro Land Transportation Office, sa mamamayan na huwag nang sumabay sa holiday rush upang maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko at sa mga drayber naman na kumpletuhin ang mga kinakailangang dokumento upang makaiwas sa abala sa mga checkpoint.

Ayon kay Laguialam, kasali ang BLTO sa mga magbabantay sa mga kalsada ngayong Kapaskuhan upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan. Kaugnay nito, inihayag niyang may mga pagkakataong hahanapin ang driver’s license at rehistro ng sasakyan kaya’t mainam na kumpleto at hindi expired ang mga nabanggit na dokumento.

 

Photo courtesy of the Bangsamoro Land Transportation Office

 

Samantala, hinikayat naman ng opisyal ang mamamayan sa Bangsamoro region na kumuha ng driver’s license sa BLTO lalo na ngayong may bagong guidelines kaugnay sa pagkilala sa mga operasyon ng BLTO partikular sa pag-isyu ng driver’s license, renewal, at iba pang transaksyon.

Kung matatandaan, kamakailan ay nagkaroon ng problema hinggil sa pagkilala sa ilang operasyon ng BLTO lalo na sa pag-isyu nito ng driver’s license.

Ang naturang kaganapan ay nagresulta sa pagkwestyon sa legalidad ng pag-isyu ng driver’s license na humantong din sa pagka-abala at pagkalito sa parte ng mga drayber at maging mga enforcer. (PIA Cotabato Province)

In other News
Skip to content