LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Mas marami pang mga estudyanteng Bangsamoro at dating combatant mula sa mga malalayong lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang makakabenepisyo mula sa mga paaralan at training center na inilaan ng pamahalaan ng BARMM.
Ito ay dahil sinimulan na noong nakaraang linggo ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE-BARMM) ang konstruksyon ng isang unit na dalawang classroom building sa Barangay Pura sa bayan ng Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Sur.
Tatlong mga unit ng isang classroom building naman ang itinurnover ng MBHTE sa mga paaralaan sa barangay ng Tubuan at Nalkan sa nabanggit na bayan.
Sinabi ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal na lahat ng mga benepisyaryong paaralaan ay natukoy base sa kanilang pangangailangan sa karagdagang mga silid-aralan.
Ayon pa sa MBHTE, ang mga paaralang handog ng ministry ay ligtas at disaster-resilient.
Samantala, itinurnover din ng MBHTE kamakailan ang pitong Skills Development Centers sa Camp Badre, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte sa pakikipagtulungan ng Australian Government at Philippines Business for Social Progress.
Ito naman ay para sa mga dating combatant na ngayon ay sumasailalim sa proseso upang maging mas produktibong miyembro ng kani-kanilang mga komunidad.
Ayon sa ministry, sa susunod na mga buwan ay magkakaroon na ng training courses sa nasabing center para sa mga dating combatant.
Kabilang sa mga kursong iaalok ay Electrical Installation at Photovoltaic (PV) Installation. (PIA Cotabato City)