LUNGSOD NG COTABATO (PIA)–Binigyang-diin ni Norhassim Sinarimbo, Chief Administrative Officer ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) ang kahalagahan ng kanilang isinasagawang pagsasanay para sa mga community responder sa rehiyon na tinawag na Water Search and Rescue (WASAR).
“Ito yung training na gamit talaga natin during Paeng kasi talagang kinakailangan na marunong ang mga responder na gumamit effectively nung tali at rubber boat para sap ag rescue ng mga tao. Simula 2019 hanggang 2022 umabot na tayo ng over 1,600 trained WASAR search and rescue community responders,” sinabi ni Sinarimbo.
Sinabi ni Sinarimbo na malaki ang naging tulong ng nasabing pagsasanay sa tuwing may kalamidad. Aniya, naging mas handa ang mga community responder na tumugon sa kani-kanilang mga komunidad.
Ang WASAR ay isa sa mga regular na pagsasanay na isinasagawa ng READi sa ilalim ng Ministry of the Interior and Local Government ng BARMM, katuwang ang 6th Infantry Division training school. Layun nito na mas patibayin pa ang kakayahanan ng mga community responder sa pag tugon sa mga sakuna.
Sa pamamagitan ng WASAR training, ang mga community responder ay sasailalim sa pitong araw na skills training tulad ng basic firefighting techniques, water safety and rescue, basic scuba, paggamit ng machine at power tools, at small boat operation. (PIA-XII)