
LTFRB Chair, Atty. Teofilo Guadiz III
MAYNILA, (PIA) –Pinaalala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator, tsuper, at konduktor ng mga pampublikong sasakyan na hindi nila maaaring tanggihan ang mga nakatuping polymer banknote at barya tulad ng mga sentimo o centavo coin na ibinabayad ng mga komyuter bilang pamasahe.
Kasunod ito ng mga napaulat na reklamo na natanggap ng Ahensya hinggil sa pagtanggi ng ilang operator, tsuper, at konduktor sa nakatuping P1,000 polymer banknote at centavo coins.
Sa ilalim ng Board Resolution No. 062, series of 2023, batay sa pakikipag-ugnayan ng LTFRB sa Bangko Sentral ng PIlipinas (BSP), inaatasan ang lahat ng mga operator, tsuper, at konduktor ng mga pampublikong sasakyan na tanggapin ang mga barya at papel o polymer na pera kahit nakatupi man ito dahil maituturing pa rin na legal na pambayad bilang pamasahe ang mga nasabing pera.
Sinuman ang tumangging tanggapin ang mga nakatuping polymer banknote at centavo coin bilang pamasahe ay maituturing na lumabag sa mga probisyon na nakasaad sa pag-isyu ng Certificate of Public Convenience (CPC) at maaaring patawan ng kaukulang parusa batay sa umiiral na polisiya ng Ahensya.
Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na maaaring ipagbigay-alam ng publiko sa Ahensya kung hindi tinanggap ang kanilang ibinayad na polymer banknote o centavo coin bilang pamasahe.
“Hinihikayat po namin kayo na maghain ng reklamo sakaling hindi po tinanggap ng operator, driver, o konduktor ang inyong folded polymer banknote o anumang papel na pera at centavo coins bilang pamasahe sa anumang uri ng pampublikong sasakyan,” pahayag ni Chairperson Guadiz.
“Maaari po ninyo itong itawag sa LTFRB landline 8529-7111 o sa aming hotline 1342 at official email ng Ahensya,” dagdag pa nito. (ltfrb/pia-ncr)