SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Maaari nang ipatala sa Philippine Identification System (PhilSys) ang mga batang limang taong gulang pababa, ayon kay Christian Altarejos, PhilSys Focal ng Panlalawigang Tanggapan ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Occidental Mindoro.
Kaugnay ito ng ginawang paghimok ni PSA MIMAROPA Regional Director Leni R. Rioflorido sa publiko sa nakaraang Kapihan sa Bagong Pilipinas, na ipatala sa PhilSys ang lahat ng miyembro ng pamilya.
Ayon kay Altarejos, sa katunayan ay nagsimula na ang pagpapatala sa mga batang 1-59 na buwang gulang noon pang Pebrero 2024. Subalit bago irehistro ang mga anak, kailangang ang mga magulang ay una nang nakapagparehistro sa PhilSys dahil ili-link ang datus ng bata sa kanyang ama at ina.
Sinabi pa ni Altarejos na makatitiyak na pangangalagaan ang kapakanan ng mga bata sa kanilang pagrerehistro sa PhilSys dahil may kasunduan para rito ang PSA sa Department of Social Welfare and Development at sa iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Bukod sa mga registration center ng PSA sa iba’t ibang lugar, dinadala mismo ng ahensya ang kanilang serbisyo sa mga bayan-bayan.
“May mobile registration team kami na bumibisita at nakikipag-coordinate din kami sa mga child development center para sa pagtatala sa mga bata,” saad ni Altarejos.
Inamin naman ng PhilSys Focal na minsan ay mahirap irehistro ang bata lalo na kung ito’y maligalig (tantrums). Gayunman, tuloy-tuloy aniya ang kanilang gawain lalo pa at itinatakda ito sa ilalim ng Republic Act 11055 o ang Philippine Identification System Act para sa kapakinabangan ng lahat ng mga Pilipino.
Nakasaad sa PSA website na kabilang sa nilalayon ng PhilSys ang mapadali ang access ng mga mamamayan sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan; makatulong sa ugnayan ng gobyerno, pribadong sektor at kanilang mga kliyente para sa iba’t ibang transaksyon (ease of doing business); at mawakasan na ang mga kaso ng identity fraud. (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)
Larawang kuha: PSA-PhilSys Occidental Mindoro