BATANGAS CITY (PIA) — Maigting na tinututukan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang pagbalangkas sa Local Energy Plan na inaasahang tutugon sa lumalaking pangangailangan sa enerhiya sa probinsiya.
Kamakailan ay nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan ng isang local energy planning workshop na pinangunahan ng United States Agency for International Development- Energy Secure Philippines (USAID-ESP) katuwang ang Philippine League of Local Environment and Natural Resources Office Incorporated (PLLENRO).
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan kasama ang iba pang stakeholders tulad ng mga electric distribution utilities sa lalawigan.
Ayon kay Danilo Villas, Project Manager ng USAID ESP-PLLENRO, ito ang ikalawang workshop na isinagawa ng pamahalaang panlalawigan at layon nitong mapunan ang mga kulang na datos upang makabuo ng initial draft ng plano hanggang Oktubre ngayong taon kung saan target na matapos ang Local Energy Plan bago ang unang linggo ng Disyembre ng taong ito.
Kabilang sa dalawang araw na workshop ang pagsagot at pagbuo ng mga tables at matrixes na may kinalaman sa Alternative Fuels and Emerging Energy Technologies, Downstream Facilities, Power Electrification and Energy Infrastructure Development, Energy Resources Development and Energy Efficiency and Conservation and Other Natural Disasters, Man-Made Disasters and Climate Change Adaptation and Mitigation.
Ayon kay Engr. Isabelo Rebuya, Energy Specialist ng USAID ESP, bagamat hindi nakumpleto ang mga datos na kailangan ay malaking bahagi ng mga imporasyon ang nalinawan sa naturang workshop.
Sa mensahe ni Provincial Administrator Wilfredo Racelis, sinabi nito na magiging malaki ang papel ng mabubuong Local Energy Plan sa pagtugon ng lalawigan sa lumalaking pangangailangan sa enerhiya kaakibat ng paglaho ng ekonomiya ng probinsya.
Ang pagbuo ng LEP ay nakaangkla sa Republic Act 11285 o Energy Efficiency and Conservation Act sang-ayon sa Philippine Energy Plan upang magkaroon ng energy security gamit ang mga sustainable energy at resilient communities na may mga smart at green homes, climate proof at energy efficient infrastractures.
Isinusulong ng Department of Energy ang Philippine Energy Plan 2020-2040 kung saan ang energy scenario pagdating ng taong 2040 ay gumamit ng mga renewable energy sources tulad ng wind, hydro at solar na siyang pagkukunan ng 50% ng kuryente at 10% naman sa mga electric vehicles gamit ang makabagong teknolohiya ng mga sasakyan sa daan. (Bhaby P. De castro-PIA Batangas)
Batangas gov’t, target na makumpleto ang Local Energy Plan bago matapos ang 2023
By Mamerta De Castro
