LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Pinangunahan ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) katuwang ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection-Batangas, Provincial Explosive Ordinance Division (EOD) at Canine Unit (PECU) at mga opisyal ng Brgy. Kumintang Ilaya ang pagsira sa mga nakumpiskang illegal na paputok noong ika-3 ng Enero, 2022.
Ang aktibidad ay pinamunuan ni Provincial Director PCol. Pedro Soliba na bahagi ng “Ligtas Paskuhan” at “Iwas Paputok” program ng kapulisan. Tinatayang nasa P104,476.00 ang kabuuang halaga ng mga paputok na sinira ng mga kapulisan.
Inilubog sa drum na puno ng tubig saka ibinaon sa bakanteng lote sa loob ng Camp Miguel Malvar ang mga paputok upang hindi na mapakinabangan pa.
Ayon kay Soliba, mahigpit nilang ipinatupad ang regulasyon hinggil sa mga paputok sa bansa lalo na noong nakaraang holiday season. Nanawagan din ang opisyal na iwasan ang paglabag sa batas at sumunod sa mga alituntunin upang patuloy na maisulong ang kaayusan at kaunlaran hindi lamang sa Batangas kundi maging sa buong bansa.
Samantala, walang naitalang kaso ng natamaan ng ligaw na bala habang mababa din ang bilang ng biktima ng paputok kumpara sa mga nagdaang panahon bago pa man mag-pandemya. (BHABY P. DE CASTRO/PIA-BATANGAS; may ulat mula sa BPPO)