Bawal ang pangangampanya sa Maundy Thursday at Good Friday – ayon sa COMELEC rules

Pinaalalahanan ng Philippine National Police ang lahat ng kandidato at kanilang mga tagasuporta na mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya sa Abril 17 at 18, 2025—Maundy Thursday at Good Friday—bilang pakikiisa sa paggunita ng Mahal na Araw.

Ito ay alinsunod sa COMELEC Resolution No. 10999 na tahasang nagbabawal ng anumang uri ng pangangampanya o partisan political activity sa dalawang araw na ito. Ang paglabag sa patakarang ito ay itinuturing na election offense at may kaukulang parusa base sa Sections 263 at 264 ng Omnibus Election Code.

Muling binigyang-diin ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng malinis, tapat, at mapayapang halalan—na bahagi ng adbokasiya ng kanyang administrasyong Bagong Pilipinas. Kaugnay nito, inatasan ang mga ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang kredibilidad ng halalan habang iginagalang ang ating mga tradisyon.

Nanawagan si PNP Chief PGen Rommel Francisco D. Marbil sa lahat ng political camps na sumunod sa batas:

“Bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan at kaayusan, tungkulin ng PNP na tiyakin ang maayos na pagdiriwang ng Semana Santa at ang pagsunod sa mga batas ng halalan. Ang pangangampanya sa banal na araw ay hindi lang bawal, ito rin ay kawalan ng respeto sa ating pananampalataya at tradisyon. Sama-sama nating itaguyod ang isang mas maayos na bansa sa pamamagitan ng pagsunod sa batas at pagpapakita ng paggalang.”

Kasama ng COMELEC, maglalatag ng mga monitoring teams ang PNP sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang tiyakin ang pagsunod sa panuntunan. Ang sinumang mahuhuling lumalabag ay pananagutin sa batas.

Hinihikayat din ang publiko na i-report ang mga paglabag sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o makipag-ugnayan sa official social media accounts at hotlines ng PNP.

(PNP-PIO)

In other News
Skip to content