Bayan ng Angono, idineklarang insurgency-free

ANGONO, Rizal (PIA) — Malaya na sa banta ng insurhensiya at panggugulo mula sa mga ititinuturing na teroristang grupo ang bayan ng Angono matapos itong ideklara bilang pinakabagong lugar sa lalawigan ng Rizal na may ‘stable internal peace and security.’
 
Ang deklarasyon ay pormal na pinagtibay nitong ika-16 ng Agosto 2023 sa pamamagitan ng paglagda sa isang ‘memorandum of understanding’ sa pagitan ng  Philippine Army, Armed Forces of the Philippines, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) kasama ang miyembro ng Regional, Provincial, at Municipal Task Forces to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
 
Ayon kay 202nd Brigade Commander Brig. Gen. Cerilo C. Balaoro Jr., ang pagdeklara sa bayan ng Angono bilang ‘peaceful municipality’ ay nangangahulugan sa pagkamit nito sa pinakamataas na antas ng normalisasyon at pagpasa sa mga parametrong nakasaad sa normalization matrix ng Executive Order No. 546.
 
“Ito ay alinsunod sa normalization process na nakapaloob sa EO 546 na kung saan ang ating mga lugar ay dine-declare natin na insurgency-free o stable internal peace and security na ibig sabihin ay wala ng threat ng armadong grupo dito. Ang bayan ng Angono for several years ay wala naman siyang threat ng armed group, what we are looking now is threat ng communist terrorist group sa recruitment sa ating vulnerable sectors,” pahayag ni Balaoro.
 
Isang pledge of commitment din ang nilagdaan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan tanda ng kanilang mariing paninidigan laban sa mga rebeldeng grupo.
 
Sa kanyang mensahe, binigyang diin naman ni Lt. Col. Erwin Commendador, commanding officer ng 80th Infantry Battalion na ang deklarasyon ay makatutulong sa bayan ng Angono tungo sa patuloy nitong pag-unlad.
 
“Ang pagdeklara ng stable internal peace and  security  at paglagda sa pledge of commitment kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay naglalayong pakilusin at mas tutukan ang pagganap sa tungkulin na mapagsilbihan ang mamamayan sa kanilang pangangailangan, pangalagaan ang kapayapaan at katahimikan sa pamamagitan ng whole of nation approach,” pahayag ni Commendador.
 
Nagpasalamat naman si Mayor Jeri Mae E. Calderon sa suporta ng pamahalaan na ideklara ang Angono bilang isang payapa at ligtas na bayan. Binigyang diin ni Calderon na makatutulong din ito upang mailayo ang mga residente sa anumang uri ng terorismo, kriminalidad, at karahasang dulot ng mga teroristang grupo.
 
Ang Angono ang ika-limang bayan sa Rizal na idineklarang insurgency-free. Naunang idineklara bilang mga lugar na may stable internal peace and security ang mga bayan ng Baras, Tanay, Teresa, at Cardona. (PIA RIZAL)

In other News
Skip to content