TAYABAS CITY, Quezon (PIA) — Inihayag ni Dr. Edwin M. Oriña, Acting Regional Vice President ng PhilHealth-4A sa idinaos na Kapihan sa Bagong Pilipinas ng Philippine Information Agency (PIA) CALABARZON noong Setyembre 10 na tumaas ang mga benepisyong ibinibigay ng PhilHealth sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sinabi ni Dr. Oriña na simula noong 2022, naging sunod-sunod na ang pagtaas ng halaga ng mga benepisyong natatanggap ng mga Pilipino mula sa PhilHealth.
Binanggit din ni Oriña ang pagtaas ng coverage para sa iba’t ibang kondisyon kagaya ng mga High-risk Pneumonia na tumaas mula ₱32,000 patungong ₱90,100, o katumbas ng 182% na pagtaas sa coverage ng ahensya.
Samantala, ang benepisyo para sa Acute Stroke, Ischemic ay umakyat mula ₱28,000 patungong ₱76,000, na may 171% na pagtaas. Ang para sa Acute Stroke, Hemorrhagic ay tumaas mula ₱38,000 patungong ₱80,000
Ang Z Benefit Package para sa Orthopedic Implants ay umakyat mula ₱42,660 – ₱169,400, patungong ₱100,000 – ₱260,000, na may pagtaas na hanggang 134%, samantala ang Hemodialysis Benefit Package mula sa 144 sessions patungong 156 sessions, o karagdagang 12 sessions.
Samantala, nagbigay babala si Dr. Edwin M. Oriña sa mga employer na hindi nagre-remit ng PhilHealth contributions ng kanilang mga empleyado.
Ayon kay Dr. Oriña, mananagot sa kanilang tanggapan ang mga employer na mapapatunayang hindi nagbabayad ng PhilHealth contributions. (Ruel Orinday- PIA Quezon)