LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Binigyang-diin ni Zarinah Aligsao, head ng Regional Economic Affairs Staff ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Mindanao Regional Office ang mga benepisyong hatid ng ‘Paleng-QR Ph,’ ang programang binuo ng BSP kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
“Maraming benepisyo ito, unang-una sigurado ka sa saktong pagbayad at sukli kasi minsan nagkakaroon tayo ng problema sa barya kasi kulang. Maganda na ang e-wallet nasusolusyunan yan. Second, yung instances na napepekian kasi hindi sila aware, isa din yan sa ina-address na hindi ka na mapeke kasi digital payment na and malinis yung sa transactions kasi online payment na. So, itong programang ito ay maraming benepisyo kung titingnan natin sa pangkalahatan,” ani Aligsao.
Sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region XII, sinabi ni Aligsao na layunin ng programa na isulong ang cashless payments sa mga palengke at pampublikong sakayan gamit ang digital device gaya ng smartphone.
Ayon pa kay Aligsao, may malaking benepisyo ang nasabing programa para sa lahat dahil masisiguro nito ang saktong bayad at sukli sa mga tindahan at pampublikong sakayan.
Makatutulong din aniya ang ‘Paleng-QR Ph’ program sa mga tindera’t tindero, tricycle driver at kanilang mga customer at pasahero na makapagbukas ng transaction account na maaari nilang gamitin sa digital payments. Sa paggamit nila ng digital payments ay maiiwasan ang pagkalat ng pekeng pera at paglaganap ng sakit tulad ng COVID-19.
Samantala, patuloy na hinihikayat ng BSP ang mga lokal na pamahalaan sa bansa na makiisa sa nasabing programa sa pamamagitan ng pag-iissue ng ordinansa na magsusulong ng cashless payments. (PIA Cotabato City)