Bertinus Valencia, hinirang na pangulo ng SK federation sa Marinduque

BOAC, Marinduque (PIA) — Hinirang bilang bagong pangulo ng Panlalawigang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan sa Marinduque si Bertinus Valencia kung saan siya ay nakatakdang umupo bilang ex-officio member ng 16th Sangguniang Panlalawigan.

Bago mahalal bilang lider ng panlalawigang pederasyon, nanalo si Valencia na SK chairperson ng bayan ng Torrijos noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Siya ay kasalukuyang first year student sa Marinduque State College at kumukuha ng kursong Bachelor of Arts in Political Science. Nakumpleto niya ang sekondarya sa Our Mother of Perpetual Succor Academy taong 2022.

“Nagpapasalamat po ako sapagkat nabigyan ako ng oportunidad na paglingkuran ang ating lalawigan kaya sasamantalahin ko po ang pagkakataon na magampanan ang mga responsibilidad na kaakibat ng aking posisyon at patuloy na magiging boses ng mga kabataan dito sa ating probinsya,” wika ni Valencia.

Siniguro rin ng SK provincial federation president na susuportahan nito ang mga programa at proyekto ng kasalukuyang administrasyon lalo’t higit ang pagpapaunlad sa aktibong pakikilahok ng mga kabataan.

Tututukan din umano ni Valencia ang mga usaping may kaugnayan sa teenage pregnancy, mental health awareness ng mga estudyante at mga gawain sa pangangalaga ng inang kalikasan.

Samantala, kabilang sa mga bagong officers sina Mark Jhun Zoleta bilang Bise Presidente, Khyn Harold Grave bilang Secretary, Napoleon Largado III bilang Treasurer, John Mark Jayag bilang Auditor at Jhustin Rodil bilang Public Relations Officer. (RAMJR/PIA Mimaropa – Marinduque)

In other News
Skip to content