BFAR Mimaropa at Romblon Prov’l Gov’t, nagpulong sa pagsasaayos ng Marine Research and Breeding Center

ROMBLON, Romblon (PIA) — Nakipagpulong kay Romblon Governor Jose Riano nitong Martes si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Mimaropa Regional Director Emmanuel Asis upang pag-usapan ang mga kasalukuyang programa ng kanilang ahensya sa lalawigan ng Romblon.

Napag-usapan sa pagpupulong ang pagkakaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng BFAR at ng Pamahalaang Panlalawigan kaugnay sa operasyon ng Marine Research and Breeding Center (MRBC) sa Barangay Canduyong sa bayan ng Odiongan.

Ayon sa BFAR, ang kanilang ahensya ang mangunguna sa operasyon at management ng MRBC habang ang Pamahalaang Panlalawigan ang magpapanatili ng kaayusan ng gusali at lugar. Sa ngayon, ang MRBC ay mayroong mga alagang mga bangus at tilapia.

Mahalaga ang MRBC sa lalawigan dahil dumarami na ngayon ang naglalagak ng puhunan sa pangisdaang negosyo sa probinsya lalo na sa mga bayan na maraming fish cages na ibinigay ang ahensya ng BFAR.

Kasama ni Asis ang ilang kawani ng BFAR Mimaropa at mga kawani ng BFAR Romblon sa pangunguna ni Provincial Director Louie Manes. (PJF/PIA MIMAROPA)

Skip to content