BFAR Mimaropa, naglaan ng higit P25M tulong sa mga naapektuhan ng oil spill sa OrMin

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Umabot sa P25,233,393.50 ang kabuuang tulong na inilaan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Mimaropa sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro (OrMin).

Ito ang iniulat ng tanggapan sa pagdating ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pola, Oriental Mindoro ngayong araw.

Ang nasabing halaga ay kabilang sa mga ayuda na patunay sa mensahe ng Pangulo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang tulungan ang mga naapektuhang mamamayan.

Nakapaloob sa nasabing tulong ang mga post-harvest technology package na inasahang pagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda sa gitna ng pansamantalang pagbabawal na mamalakaya sa malaking bahagi ng karagatang sakop ng probinsya.

Kabilang sa ipinagkaloob ng BFAR ay smokehouse, chest type freezer, kitchenware, food processing equipment, 800 kilo ng iba’t ibang uri ng isda, at training package.

Kaugnay nito, sinabi ni Edgar Payas, BFAR Occ. Mindoro Provincial Officer, na dahil sa fishing ban ay kinukulang sa supply ng isda ang OrMin.

Ayon sa kanya, ang Occidental Mindoro ang tumulong sa pagdadala ng mga kinakailangang isda sa karatig-lalawigan.

“Magkasabay na sumailalim sa pagsasanay sa paggawa ng tinapa ang Oriental at Occidental Mindoro, at tayo (OccMin) ang nag-supply sa kanila ng isda na ginamit sa pagsasanay,” paliwanag ni Payas.

Samantala, nakapaloob din sa higit P25 milyon na assistance package ang 17 units ng 20- footer fiberglass reinforced plastic boats, fish cages, bangus fry, tilapia fingerlings, P12 milyon na fuel subsidy at mga kagamitan sa pangingisda sakaling alisin na ang fishing ban.

Kabilang sa mga bayang nakatanggap ng tulong mula sa BFAR Mimaropa ang Bulalacao, Puerto Galera, Naujan, Bongabong, Mansalay, Pola, Baco, San Teodoro, Gloria, Bansud, Pinamalayan, Roxas at Calapan City. (VND/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content