Inalam ng mga kawani ng BFAR SAAD Mimaropa ang mga pangangailangan ng mga benepisyaryo mula sa Balabac, Palawan upang epektibong mailapat sa mga ito ang mga programa at proyekto ng ahensiya na naaayon sa kanilang pangangailangan. (Larawan mula BFAR Mimaropa)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nagsagawa kamakailan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Mimaropa ng ikalawang Beneficiary Needs Assessment (BNA) sa Balabac, Palawan.
Layunin ng gawain na malaman ang pangangailangan ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa pamamagitan ng pangangalap ng mga socio-economic profile mula sa mga ito. Inaalam din sa pamamagitan ng BNA ang mga kinakailangang isaalang-alang na mga salik bago ilapat ang mga proyekto sa mga naturang benepisyaryo.
Base sa isinagawang profiling sa naturang bayan, dalawa (2) mula sa tatlong (3) asosasyon ay hindi pa rehistrado; kung kaya’t prayoridad ng ahensiya na mairehistro ang mga ito. May kabuoang bilang na 186 benepisyaryo mula sa barangay Salang at Pandanan ang tinipon at sumailalim sa masusing panayam mula sa ahensiya.
Napag-alaman din na ang pangkaraniwang ikanabubuhay ng mga taga-Balabac ay ang seaweed farming. Lumabas din sa isinagawang pagtatasa na mayroong kakulangan sa seaweed nurseries at mga pataba para kabuhayang ito. Kung kaya’t isa ito sa mga inilistang kakulangan na dapat tugunan ng ahensiya para tulungang lumago ang negosyo ng mga ito.
Upang maisiguro naman ang tagumpay ng magiging proyektong seaweed nursery ng mga benepisyaryo mula Balabac, magsasagawa ng masinsin na monitoring ang Balabac Area Coordinators.
Ilan lamang ito sa mga serye ng gawain ng ahensiya upang tulungan ang mga benepisyaryo upang mapakinabangan ng mga ito ang inilalaan na proyekto ng pamahalaan na siya namang magbibigay ng dagdag kabuhayan sa kanila. (JJGS/PIA Mimaropa-OrMin)