BAGUIO CITY (PIA) – Muling hinikayat ng Bureau of Fire Protection Cordillera (BFP-CAR) ang publiko na makiisa sa kanilang kampanya laban sa sunog. Kasunod ito ng mataas na insidente ng sunog na naitala sa rehiyon noong 2024 kung ikukumpara noong 2023.
Ayon kay SFO2 Leo Mendoza ng Bureau of Fire Protection-Cordillera Administrative Region (BFP-CAR), umabot sa 543 na insidente ng sunog ang naitala noong 2024, mas mataas ng 176 na kaso o 47.95% kumpara sa 367 na insidente noong 2023.
Pinakamalaki ang pagtaas ng insidente ng sunog sa damuhan at kagubatan. Naitala ang 164 na insidente ng forest fires at 137 na insidente ng grass fire.
Sa usaping ari-arian, umabot naman sa ₱180,653,395.00 ang kabuuang pinsalang dulot ng sunog noong 2024, mas mababa kumpara sa ₱220,006,290.00 na naitala noong 2023.
Ito ay nangangahulugan ng 34.15% na pagbaba sa kabuuang halaga ng pinsala.
“Noong January to December 2023, nagkaroon ho tayo ng ₱220,006,290 pesos, ‘yon iyong damage but, noong 2024 naman bumaba ito. Doon naman tayo humugot ng response natin, mataas ‘yung incident, mababa naman ‘yung damages,” si Mendoza.
Batay rin sa datos ng BFP, nananatili pa rin ang mga open flame ang pangunahing sanhi ng mga sunog sa rehiyon.
Sa mga non-structural fires, kabilang sa mga dahilan ang kaingin, pagsusunog ng tuyong dahon, at basta na lamang itinapon na upos ng sigarilyo.
Samantala, para sa structural fires, kabilang sa mga dahilan ay open flame mula sa pagluluto, ignition sa mga alipato, at electrical ignition dahil sa loose connection.
Dahil dito ay binigyang-diin ni Mendoza ang kahalagahan ng edukasyon sa komunidad tungkol sa pag-iwas sa sunog.
“Usually kasi, ang mga kababayan natin kapag nagluluto, their routine is ‘pag nagluto sila, nagse-self extinguish ‘yung kahoy, o ‘yung mga fuel na ginagamit nila. ‘Yun ‘yung negative concept na lagi nating pinapaalala na dapat apulahin nila, ‘wag nilang pabayaan na, on that manner, if that could be your routine wala talagang mangyayari.”
Hinikayat din nito ang publiko na maging mas maingat sa paggamit ng open flame, kuryente, at iba pang mga mapanganib na kagamitan.
Inaasahan ding mas paiigtingin ng ahensya ang kanilang kampanya sa fire prevention sa buong rehiyon upang maiwasan ang pagtaas ng insidente ng sunog. [DEG/Angela De Vera-PIA CAR- DMMMSU Intern]