BFP-CAR, pinalawak ang mga hakbang para maitaguyod ang fire safety

Nagsasagawa ng fire safety lecture ang BFP sa mga paaralan. [photo courtesy: BFP Baguio]

BAGUIO CITY (PIA) — Sa pagpapatuloy na pangangalaga sa kaligtasan ng komunidad at serbisyo publiko, pinalawak pa ng Bureau of Fire Protection – Cordillera Administrative Region (BFP-CAR) ang kanilang mga hakbang upang mapabuti ang serbisyo at maitaguyod ang kamalayan ng fire safety sa buong rehiyon.

Aktibong nakikipag-ugnayan ang BFP-CAR sa mga lokal na pamahalaan upang magtayo ng mas marami pang fire substations sa mga estratehikong lugar sa rehiyon.

Ayon kay SFO2 Leo Mendoza, tagapagsalita ng BFP-CAR, layunin ng proyektong ito na mapababa ang response time ng mga bumbero sa mga insidente ng sunog at medical na emerhensiya.

“We do hope through the substations … nandoon na mismo sa malapit. Hindi naman natin hinihingi ang emergency, no, pero unpredictable ‘yan, hindi natin alam kung kalian yan mangyayari. ‘Yung substation, malaking tulong ‘yan on the part ng responders. Kung sa Kennon at least, may kung substations may first responders na tayo at least augmentation nalang tayo if ever,” pahayag ni Mendoza.

Bukod sa pagpapalawak ng kanilang presensya sa komunidad, aktibo rin ang BFP-CAR sa pagsasagawa ng mga outreach programs sa mga paaralan.

Kabilang sa mga aktibidad na ito ang pamamahagi ng libreng school supplies, dental at medical missions upang matulungan ang kalusugan ng mga estudyante at guro.

“May doktor at may dentist po ang BFP-CAR, at ito ay napapadpad sa mga upland areas na hindi po ganun kaaktib, but of course may tulong naman na nanggagaling sa LGUs. But, meron ‘yung BFP sige tumulong tayo. So, dinadala natin ‘yung doctor, ‘yung dentist doon mismo sa area na ‘yun,” dadag ni Mendoza.

Bilang bahagi rin ng kanilang programa at adbokasiya ng fire safety awareness, nagsasagawa ang BFP-CAR ng mga Fire Shows sa iba’t ibang lokasyon sa pakikipagtulungan sa mga paaralan. Layunin nitong sanayin at turuan ang mga estudyante tungkol sa tamang hakbang sa pag-iwas ng sunog at tamang pagresponde sa mga insidente.

“Hindi lamang po mga elementary o high school and as well as the college students. I would like to acknowledge as well ‘yung mga naga-undergone ng on-the-job training on different station level, immersion from different schools. At least nakikita, na-appreciate nila, ganito pala ang BFP, ganito pala ‘yung trabaho,” saad ng opisyal.

Hindi lamang sa paaralan ang pagsasagawa ng Fire Safety kundi pati na rin sa iba’t ibang munipasilidad ng rehiyon upang masiguro na lahat ay maalam sa Fire Safety upang lahat ay maihanda sa anumang sakuna.

Patuloy ang pagpapalakas ng BFP-CAR sa kanilang pwersa upang maging mas madali ang kanilang pagresponde sa iba’t ibang emerhensiya sa sunog.

Patuloy din na hinihikayat ng ahensiya ang publiko na makiisa sa kanilang mga programa upang maging ligtas ang publiko sa sunog. Ito ay mga inisyatibo ng BFP-CAR na nagpapatunay sa kanilang kampanya na sa “pag-iwas ng sunog, hindi ka nag-iisa.” (DEG-Angela De Vera- PIA  CAR -DMMMSU Intern)

In other News
Skip to content