BFP Gensan nagpaalala na iwasan ang mga delikadong paputok sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon

LUNGSOD NG HENERAL SANTOS (PIA) — Sa panayam ng PIA 12 “i-INFORM Mo” radio program, nagbigay ng mahahalagang paalala si FO3 Lester John Muñez ng Bureau of Fire Protection (BFP) Gensan ukol sa ligtas na paggamit ng paputok ngayong papalapit na ang Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay Muñez, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga paputok gaya ng watusi, piccolo, five-star, pla-pla, at lolo thunder. Sinabi niyang ang mga ito ay may mataas na panganib na magdudulot ng malubhang pinsala, lalo na ang mga oversized na paputok tulad ng super lolo at triangle-type fireworks o firecrackers na pwedeng mahalintulad sa isang eksplosibo.

“Ang mga ganitong klase ng paputok ay hindi na pyrotechnics kundi parang granada na ang epekto. Kung pumutok ito malapit sa inyo, maaari kayong mabingi o maputol ang kamay,” babala ni Muñez.

Iginiit din nito ang kahalagahan ng pagbili ng paputok mula sa mga manufacturer na sumusunod sa quality standards ng Department of Trade and Industry (DTI).

Tiniyak naman ni Sherwin Juric Pepito, isang nagtitinda ng paputok sa Pendatun Avenue Fireworks Display Area sa Lungsod ng General Santos, na sumusunod ang kanilang mga produkto sa mga pamantayan sa kaligtasan na itinakda ng DTI.

Nakakuha aniya sila ng kaukulang permit para magbenta ng paputok gaya ng kwitis, sparklers, at fountains.

Hinikayat din ni Pepito ang publiko na pumili ng mga paputok na umaabot sa mataas na bahagi ng kalangitan upang maiwasan ang mga aksidente, kasabay ng pagbibigay ng makulay at ligtas na pagdiriwang.

“Kung maghanap kayo fireworks para ngayong Christmas at New Year, ‘yung ano lang sa taas pumuputok, para pati kapitbahay makakita. Para maganda ang kulay sa taas,” aniya.

Nagpatotoo rin si Anabelle Book, isang fireworks vendor na bago sila mabigyan ng permit mula sa BFP Gensan at makapagbenta ng mga pailaw ay nagkakaroon muna ng seminar.

Giseminar man na sa kuan pag-permit gud nga bawal gyud siya, sa Bureau of Fire. Bawal magbenta ng mga parang piccolo, triangle. Syempre makaputol sa kamot,” ani Book.

(Kasama yan sa seminar pagkuha ng permit na bawal talaga siya, sabi ng Bureau of Fire. Bawal magbenta ng mga parang piccolo, triangle. Syempre nakakaputol ng kamay.)

Dagdag pa ni Muñez, kailangang bantayan ang mga lasing na hindi makapasok sa mga fireworks display area upang maiwasan ang aksidente, sabay paalala ng insidente noong 2010 kung saan nasunog ang isang display area sa Gensan dahil sa kapabayaan ng isang lasing na customer.

Maging ang paggamit ng sparklers ay dapat bantayan ng mga magulang dahil maaaring magdulot ito ng pinsala sa mga bata.

“Ang pinakavulnerable this time ay children ‘yung very innocent sila hindi nila alam kung masaktan ba sila so kung masyado silang curious sa bagay na ‘yun pag sinubukan nila eh masakit pala di mo na mabalik ‘yung kamay mo ‘yan nasira na,” ayon kay Muñez.

Diin ng BFP Gensan sa publiko na maging responsable at mag-ingat upang maiwasan ang mga aksidente ngayong Pasko at Bagong Taon. (HJPF — PIA SarGen)

In other News
Skip to content