PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Makakatanggap ng halagang P500,000.00 ang Barangay Health Workers Federation ng Puerto Princesa o itong Barangay Model BHW Association PPC, Inc. sole recipient ng 2022 Performance-Based Incentive (PBI) sa buong MIMAROPA Region.
Ayon ito sa BHW Provincial and City Federation FY 2022 Performance Assessment Result na inilabas ng Department of Health-Center for Health and Development (DOH-CHD)-MIMAROPA ng nilagdaan ni DOH-MIMAROPA Regional Director Dr. Mario S. Baquilod nitong Mayo 4, 2023 kung saan nakakuha ang BHW Federation ng Puerto Princesa ng grado na 90 points.
Ang P500,000 ay bilang suporta sa magiging development activities ng Puerto Princesa City BHW Federation para sa taong 2023.
Matatanggap lamang ito ng nasabing grupo kapag naisumite na sa DOH-CHD MIMAROPA ang mga dokumentong tulad ng nilagdaang Memorandum of Agreement/Memorandum of Understanding, Project Proposal at ang Work and Financial Plan.
Ayon sa City Information Department ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, ito na ang ikalawang pagkakataon na makuha ng PPC BHW Federation ang nasabing pagkilala. Ito ay noong 2021 kung saan nabigyan ito ng P250,000.00 (OCJ/PIA-Palawan)