Bigas mula Occidental Mindoro, handa nang ipadala sa Visayas– NFA

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Nakahanda na ang National Food Authority (NFA) Occidental Mindoro na magpadala ng 80,000 bags ng bigas sa Visayas bilang suporta sa ₱20 per-kilo program ng Department of Agriculture.

Ayon kay NFA Occidental Mindoro Branch Manager Elimar Regindin, ang nasabing bilang ay bahagi lamang ng higit 100,000 bags ng bigas na hiniling sa kanya ni NFA Administrator Larry del Rosario Lacson.

“Iyong 80,000 bags, bigas na yun at meron pa tayong gigilinging 550,000 bags ng palay na more or less ay makaka-produce ng 350,000 bags ng bigas,” saad ni Regindin.

Sa kasalukuyan, sumasailalim sa 10 araw na fumigation treatment ang nasabing mga butil upang mapuksa ang mga peste sa bigas, dagsag ni Regindin.

Tiniyak niya na bagamat sumailalim sa fumigation, ligtas pa ring ibenta sa publiko ang naturang mga bigas.

Ayon pa sa opisyal, well-milled at maganda ang kalidad ng bigas na galing NFA; may specifications ang binibili nilang palay na siyang garantiya sa magandang uri ng bigas ng ahensya.

Samantala, ibinahagi ni Regindin na hinihintay pa nila ang mga kaukulang gabay, polisiya, at mga dokumento kaugnay ng pagpapadala ng bigas sa Visayas. Tuloy-tuloy din ang pakikipag-ugnayan ng NFA Regional Office sa shipper o contractor ng barge na maghahatid ng bigas.

Kumpiyansa rin ang opisyal na batay sa konsepto na pagtutulungan ng pamahalaang nasyonal at pamahalaang lokal, ang bentahan ng ₱20 kada kilong bigas ay maaaring ipatupad din sa ibang lugar sa bansa.

“Ang NFA naman ay parating naka-suporta at handang magbigay-serbisyo. Katunayan, bukod sa ipadadalang bigas sa Visayas, may nakalaan na ring palay para sa iba pang lugar tulad ng Batangas at lalawigan ng Quezon, sakaling kailanganin,” dagdag pa ni Regindin.

Ang pagpapadala ng bigas ng NFA mula Mindoro patungong Visayas ay ayon na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Agriculture.

Inutos na rin ni Pangulong Marcos sa DA na palawakin at ipagpatulog ang pagbibenta nga ₱20 kada kilo na bigas sa buong bansa hanggang 2028. (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content