Bilang ng kaso Dengue sa Bulacan bumaba ng 41 porsyento

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Bumaba ng 41 porsyento ang bilang ng kaso ng dengue sa Bulacan.

Sa tala ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Provincial Health Office, may kabuuang bilang na 1,290 suspected dengue cases mula Enero 1 hanggang Mayo 27 ng taong kasalukuyan.

Nakapagtala naman ng anim na kaso ng pagkamatay na may kinalaman sa nasabing sakit.

Dagdag pa rito, limang bayan at lungsod ang natukoy na may barangay na may clustering o pagkakaroon ng apat o higit pang kaso ng Dengue sa nakalipas na dalawang lingo.

Kabilang na riyan ang barangay Kaypian, Muzon at Sto. Cristo sa lungsod ng San Jose Del Monte; barangay Lambakin at Nagbalon sa bayan ng Marilao; barangay Lawa at Pandayan sa lungsod ng Meycauayan; barangay Poblacion sa bayan ng Pandi; at barangay San Mateo sa bayan ng Norzagaray.

Nasa edad mula 1-85 ang mga apektadong kaso ngunit karamihan rito ay mula sa edad na 1-10, na 46 porsyento ng kabuuang kaso

Samantala, Ipinag-utos ng pamahalaang panlalawigan ang agarang aksyon at pagpapalakas ng Barangay Dengue Task Force upang kontrolin ang sakit na Dengue ngayong panahon ng tag-ulan

Base sa kautusang ipinalabas ng Gob. Daniel Fernando para sa Awareness of Dengue Prevention Control sa 24 na mga punong bayan at lungsod sa probinsya, hinikayat niya ang mga ito na pagtulung-tulungan ang pagpuksa ng sakit na dengue.

Ayon kay Fernando, bagamat nagkaroon ng pagbaba ng kaso ng dengue sa lalawigan kumpara ng nagdaang taon, kailangan panatilihin malinis ang kapaligiran at tahanan, huwag mag-imbak ng mga tubig puksain ang mga breeding site ng lamok at ugaliin ang pagganit ng mosquito repellant.

Patuloy rin ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagbibigay ng Dengue Chemicals at Dengue NS1 Kits sa mga bayan at lalawigan pati na rin sa mga ospital sa lalawigan at sumusuporta sa fogging at spraying upang mapuksa ang mga lamok. (CLJD/VFC-PIA 3)

In other News
Skip to content