Bilang ng krimen sa MIMAROPA, bumaba ngayong Disyembre

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Bumaba ang bilang ng krimen sa rehiyon ng Mimaropa para sa buwan ng Disyembre nitong 2022. Ito ay ayon sa datos na nakalap ng Regional Investigation and Detective Management Division ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA.

Mula sa 357 bilang na krimen na naitala noong Disyembre 1-25, 2021; bumaba ito ng 23.25% o 274 ngayong Disyembre 2022.

Kabilang sa mga bumabang bilang na kaso ng krimen ngayong taon sa rehiyon ay ang mga kaso ng murder, homicide, physical injuries, rape, theft, robbery, carnapping, at motornapping. Mula 99 na bilang ng mga naturang krimen noong 2021, bumaba ito sa 77 o 22.22%.

Kinilala naman ni PRO-Mimaropa Regional Director PBGen. Sidney Sultan Hernia ang hanay ng mga kapulisan na nagpakita ng sigasig at mithiin na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon ngayong panahon ng kapaskuhan upang maipagdiwang nang maayos ang napakahalagang okasyon na ito.

Tiniyak din ni Hernia na aktibong magbabantay sa mga pampublikong lugar ang mga kapulisan partikular sa mga terminal ng mga pampublikong sakayan, pamilihan, at kahabaan ng mga lansangan upang maisiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan. (JJGS/PIA MIMAROPA)

Detalye mula sa PRO Mimaropa page

In other News
Skip to content