PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Gaganapin sa lungsod ang isang bilateral inter-agency law enforcement counter terrorism drill na tinaguriang ‘Tempest Wind’. Isasagawa ito sa mga piling lugar sa lungsod sa Setyembre 9 hanggang sa Setyembre 12.
Ito ay isang pagsasanay katuwang ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos, kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection (BFP), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at iba pang lokal at ahensiyang nasyunal.
Ayon kay PCpt. Victoria Carmen C. Iquin, Public Information Officer ng PNP-Puerto Princesa City Police Office (PNP-PPCPO), layunin ng pagsasanay na ito na masubukan ang kahandaan at kakayahang gumalaw at pagresponde sa mga krisis na dala ng mga terorista ng mga ahensiyang kasama sa pagsasanay.
“Ang pagsasanay na ito ay isasagawa sa lungsod upang masubukan ang ating kahandaan at kakayahang gumalaw at umaksyon sa mga krisis na dala ng terorista at iba pang karahasan na may pandaigdigang epekto,” pahayag ni Iquin.
Ilan sa mga lugar sa lungsod kung saan isasagawa ang pagsasanay ay ang GSMAX Construction Compound sa Brgy. Tagburos, PNP-Maritime Law Enforcement Center sa Sitio Magarwak at Honda Bay Area sa Brgy. Sta. Lourdes.
Kaugnay nito ay pinapayuhan ni Iquin ang mga residente ng lungsod na malapit sa mga lugar na pagsasagawaan ng pagsasanay na huwag mabahala kung ang mga ito ay makarinig ng mga putok at pagsabog na sahni ng pagsasanay.
Mayroon din aniyang nakatalagang mga pulis sa bisinidad ng pagsasanay upang umalalay sa mga mamamayan at handang sumagot sa mga katanungan hinggil sa kaganapang ito. (OCJ/PIA Mimaropa – Palawan)