PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nagpapatuloy ang Birth Registration Assistance Program (BRAP) ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Palawan.
Nagsimula ang BRAP noon pang Pebrero 2022 at sa kasalukuyan ay naka-rehistro na sa Palawan ng nasa 8,945 indibidwal kung saan 8,204 sa mga ito ang nabigyan na ng libreng Certificate of Live Birth na nasa security paper, ayon sa ulat ni PSA-MIMAROPA Regional Director Leni R. Rioflorido sa Kapihan sa Bagong Pilipinas nito lamang Hulyo 23.
Nasa 40,710 indibidwal naman ang target ng PSA para sa BRAP sa Palawan. Sakop ng BRAP ang mga marginalized sector tulad ng mga katutubo, mga Filipinong Muslim, mga mahihirap at walang kakayahang magparehistro at mga nakatira sa labas ng kanilang lugar na pinanganakan.
Layunin ng BRAP na maseguro na ang lahat nang ipinanganak na Filipino ay marehistro sa mga Local Civil Registry Office (LRCO) at mai-enrol sa Philippine Identification System (PhilSys).
Nasa dalawang milyong Filipino ang target ng PBRAP na marehistro sa buong bansa.
Sa Palawan, bagama’t halos nasa 21.97 porsiyento pa lamang ng target na marehistro ay tuloy-tuloy itong isinasagawa sa pamamagitan ng mga Municipal Civil Registrar (MCR).
Binanggit din ni Rioflorido ang ilang kadahilanan kung bakit mababa pa ang bilang ng mga narerehistro sa Palawan.
“On-going pa po ang pagrerehistro, ‘yong reported po natin ay kung ilan talaga ang nagparehistro. May iba’t ibang reason kung bakit hindi pa sila narerehistro, na-identify natin ‘yong ganun karami pero bakit hindi pa natin sila lahat narehistro. Since ang BRAP is a process, hindi po ganun kabilis ang proseso, may iba po na nainip na at nagparehistro na po sila sa normal registration,” pahayag ni Rioflorido.
Ayon pa sa kanya, may mga insidente din na may pumunta na sa mga Local Civil Registrar ngunit ng binigyan na ang mga ito ng requirements para sa pagpaparehistro ay hindi na bumalik at hindi na makita. Ang iba naman ay nagpa-verify ngunit hindi natapos ang rehistrasyon at namatay na.
Dagdag pa ni Rioflorido na kadalasang rason kung bakit hindi narerehistro ang isang indibidwal ay dahil sa wala itong maipakita o maibigay na mahahalagang dokumento na magsusuporta sa kanyang pagkatao at kapanganakan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)