MAYNILA, (PIA) –Pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bisa ng Special Permit na ibibigay nito sa mga Public Utility Bus (PUB) sa gitna ng paggunita ng mga Pilipino sa All Saints at All Souls Day ngayong taon.
Batay sa Board Resolution No. 065, series of 2023, sa halip na ika-30 ng Oktubre hanggang ika-03 ng Nobyembre, tatagal na mula sa ika-20 ng Oktubre hanggang sa ika-06 ng Nobyembre 2023 ang bisa ng Special Permit na ibibigay ng Ahensya sa mga kwalipikadong pampublikong bus.
Layon nitong matugunan ang pangangailangan ng mga komyuter sa mga pampublikong sasakyan tuwing mayroong special holiday tulad ng All Saints at All Souls Day.
Kasabay na rin ng pagpapalawig at paghahanda ng Ahensya ang pagtugon sa pangangailangan ng mga stakeholder nito sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa ika-30 ng Oktubre 2023.
Kaugnay nito, inaabisuhan ng LTFRB ang publiko na hanggang sa ika-06 ng Oktubre na lamang tatanggap ang Ahensya ng aplikasyon para sa pagkuha ng Special Permit.
Kabilang sa mga dokumento na kinakailangan upang makakuha nito ay ang mga sumusunod:
1. LTO OR/CR
2. Valid Personal Passenger Accident Insurance Policy
3. Para sa mga juridical entity, Board Resolution at/o Secretary’s Certificate ng awtorisadong signatory (ltfrb/pia-ncr)