BAGUIO CITY (PIA) — Upang mapanatiling drug-free ang Baguio City Jail, naglunsad ng Greyhound Operation ang Bureau of Jail Management and Penology-Cordillera (BJMP-CAR) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera (PDEA-CAR) sa Baguio City Jail Male Dorm (BCJ-MD) nitong Oktubre 3, 2024.
Katuwang din ng PDEA ang K-9 unit sa isinagawang operasyon upang mas masiguro na malinis ang mga selda sa anumang kontrabando. Isinagawa ang naturang search operation sa 312 persons deprived of liberty (PDLs) na kalalakihan at sa loob ng mga kulungan ng BCJ-MD. Ang Greyhound Operation ay isa rin sa mga paraan upang mapanatili ang drug-free status ng naturang pasilidad.
“Ang Greyhound Operation kasi ay isinasagawa natin para mapanatili nating malinis ‘yung mga ating piitan from drugs and ‘yong isa is from contraband, isa rin ito [sa] batayan ng PDEA upang ideklara ang city jail na drug free at drug clear,” saad ni JO1 Ericson Mendoza ng BCJ-MD.
Wala namang nakumpiska na anumang ipinagbabawal na kagamitan o kontrabando sa nasabing operasyon. Ayon kay Mendoza, malaking bagay ang kooperasyon ng mga PDLs para sa pagpapanatili ng pasilidad na drug-free.
“On behalf of Baguio City Jail Male Dormitory, I would also like to thank the PDLs for their cooperation kasi kung hindi sila makiki-cooperate hindi rin magkakaroon ng drug-free, drug-clear certificate ang BCJ-MD. Sa patuloy na kooperasyon ng ating mga PDLs, napapanatiling malinis ang ating piitan,” ani Mendoza.
Matatandaang noong nakaraang taon ay naideklarang drug-free ang Baguio City Jail – Male Dormitory. (DEG/Sonmer Lei Sandino, PIA CAR- PHINMA UPang Intern)