BJMP, ibinahagi ang mga programa para sa mga PDL sa MIMAROPA

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Ibinahagi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) MIMAROPA ang mga interbensyon nito sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa rehiyon ng MIMAROPA.

Sa ika-10 na edisyon ng Kapihan sa Bagong Pilipinas na ginanap sa Filipiniana Hotel and Convention Center sa lungsod ng Calapan noong Hulyo 30, ibinahagi ni Jail Superintendent Ray L. De Luna, Assistant Regional Director for Operations ng BJMP MIMAROPA, ang mga programa ng kanilang ahensya para sa mga PDLs tulad ng pagpapatupad ng mga construction projects para maibsan ang jail congestion, at welfare and development programs para sa mga PDLs.

Gayundin, ibinahagi ni De Luna ang programang Katatagan, Kalusugan at Damayan ng Komunidad (KKDK). Ang KKDK ay isang rehabilitation initiative na naglalayong bigyan ng oportunidad ang mga indibidwal sa loob ng correctional na mamuhay ng produktibo at makabuluhan sa pamamagitan ng mga komprehensibong module at support system.

“Nais naming ipagkaloob sa mga PDL habang sila ay nasa loob ng kulungan ang mga serbisyo ng pamahalaan na ibibigay sa kanila para sakaling sila ay lumaya at mag bagong buhay ay kanila itong mapapakinabangan sa hinaharap tulad halimbawa ng edukasyon, programang pangkabuhayan at pagsasanay sa larangan ng paghahanapbuhay, pagpapanatili ng magandang kalusugan, pagpapalago ng buhay espiritwal, magandang asal at marami pang iba,” saad ni De Luna.

Maliban dito, pinahintulutan din ang mga PDL na kumuha ng Alternative Learning System (ALS) kung saan ngayong taon ay nasa 283 na PDLs na ang nakapagtapos, gayundin ang mga kumuha ng National Certificate (NC) katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na umabot na sa 278.

Pinahintulutan din ng BJMP ang ibang ahensya ng pamahalaan na mapagkalooban ang mga nasa loob ng kulungan ng PhilHealth ID, PhilSys o National ID, at Social Security System ID.

Dagdag ni De Luna, sa kasalukuyan ay nasa 2,131 ang kabuuang bilang ng PDLs sa rehiyon at karamihang kaso dito ay sangkot sa paggamit o pagbebenta ng iligal na droga. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content