Bulacan ipagdiriwang ang ika-445 taon ng pagkakatatag

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Ipagdiriwang bukas, Agosto 15, ang ika-445 Taong Pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan.
Nakasentro ang pagdiriwang sa temang “Mahalin ang Bulacan, Tuklasin ang Kanyang Kasaysayan”.

Ayon sa Provincial Public Affairs Office, inaasahan na ang selebrasyon ngayong taon ay magpapaalala ng pagkamakabayan sa mga Bulakenyo at mahikayat sila na tuklasin ang mayaman at makulay na kasaysayan ng probinsiya.

Pangungunahan ni Bise Gobernador Alexis Castro ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Marcelo H. Del Pilar sa harapan ng gusali ng Kapitolyo.

Ito ay susundan ng isang Banal na Misa sa The Pavilion ng Hiyas ng Bulacan Convention Center at maikling programa.

Isang walk-through exhibit naman na pinamagatang “Kasaysayan ng Bulacan Mural” sa Isidoro Torres Hall sa gusali ng Kapitolyo ang magtatampok sa mga naging Gobernador ng lalawigan. Magkakaroon din ng SINEliksik Bulacan Film Showing sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center.

Ang pagdiriwang ay hudyat para sa isang buwang selebrasyon ng Singkaban Festival. (CLJD/VFC-PIA 3)

Ipagdiriwang bukas, Agosto 15, ang ika-445 Taong Pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan. (Bulacan PPAO file photo)

In other News
Skip to content