LUCENA CITY (PIA) — Pormal nang idineklara bilang “insurgency-free” ang buong probinsiya ng Quezon kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan nitong Lunes, Hunyo 12.
Pinangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang makasaysayang deklarasyon kasama ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng pasasalamat si Tan sa mga bumubuo ng Quezon Provincial Peace and Order Council, militar at kapulisan, gayundin sa mga kawani ng pamahalaan na naging kaisa ng pamahalaang panlalawigan sa pagsugpo ng insurhensiya.
Binigyang diin ni Tan na ang naturang deklarasyon ay umpisa ng inaasam na paglago ng turismo, pagdagsa ng mga negosyo, at progresibong pag-unlad sa buong lalawigan ng Quezon.
Magbibigay daan din aniya ito upang makapaghatid ng mga kaukulang serbisyo sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Kaugnay nito ay hiniling ng gobernadora sa mga lokal na pamahalaan, mga ahensiya ng gobyerno, at iba pang sektor na maging katuwang sa pagbibigay ng mga programa at proyekto na makapagtataas ng buhay ng maraming residente. (Ruel Orinday, PIA Quezon)