Inihatid ni DTI Provincial Director Arnel E. Hutalla ang mensahe ng pasasalamat sa pagdalo ng mga food producers and manufacturers sa seminar sa lungsod ng Calapan kamakailan. (Larawang kuha ng DTI Oriental Mindoro)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nasa anim na food producers o manufacturers sa lungsod ang sumailalim sa ‘Product Development: Upgrading of Product Label and Packaging cum Food Safety and Good Manufacturing Practices Seminar,’ na ginanap sa Negosyo Center kamakailan.
Pinangasiwaan ng Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro sa pamamagitan ng Negosyo Center at pakikipagtuwang sa City Trade and Industry Department (CTID) ang nasabing aktibidad na kung saan gumawa ang mga kalahok ng tatlong iba’t-ibang uri ng pagkain mula sa kabute, pati ang paggawa ng instant ginger o salabat, pickled vegetable/coco vinegar at coco spiced vinegar.
Sa nasabing programa, layunin ng DTI ang makatulong sa mga taga lungsod na makapag-negosyo sa maliit na puhunan upang agad na makapagsimula.
Nakiisa sa naturang gawain si DTI Provincial Director, Arnel E. Hutalla, CESO V at CTID Officer ng Pamahalaang Lungsod na si Amormio Benter upang ipakita ang kanilang suporta sa isinagawang aktibidad. (DN/PIA-MIMAROPA- Oriental Mindoro)