CDO, meron din Traslacion tulad sa Maynila

QUEZON, (PIA) — Alam mo ba na ipinagdiriwang din ang Traslacion sa Cagayan de Oro nang tulad sa Maynila ngayong Enero?

Sa ginanap na Impormasyon at Aksyon sa Bagong Pilipinas radio program nitong Lunes, ika-6 ng Enero, sinabi ni Shaun Alejandrae Y. Uy, Information Officer ng Philippine Information Agency Cagayan de Oro na nagsimula ang pagdiriwang ng Traslacion sa Cagayan de Oro, na nagtatampok sa debosyon sa Hesus Nazareno, kasunod ng pagdating ng replica ng Black Nazarene mula saa Quiapo noong 2009.

Ang naturang replica, ayon kay Uy, na orihinal na hiniram mula sa Basilica Minore sa Quiapo para sa malaking selebrasyon, ay naging permanenteng bahagi ng Hesus Nazareno Parish sa lungsod.

Nag-request daw si Senior Raymond Santos, ang kanilang parish priest, na dalhin ang replica sa kanilang simbahan matapos ang isang panaginip.

Mula noon, naging sentro ang replica ng debosyon sa mga deboto sa Cagayan de Oro.

Pagkakaiba at pagkakatulad ng Traslacion sa Manila at CDO

Ikinwento ni Uy na matapos ang pagdating ng replica noong Enero 5, 2009, ito ay agad na dinala sa Cagayan de Oro Metropolitan Cathedral bago ang pagtungo nito sa Shrine of the Black Nazarene.

Aniya, bagamat may pagkakapareho sa ruta ng Traslacion sa Intramuros patungo sa Basilica Minore, ang distansya sa Cagayan de Oro ay humigit-kumulang 2.5 kilometro lamang.

Ayon sa mga larawan mula sa City Information Office, pinanatili ang kaayusan ng prusisyon na may mahigpit na seguridad.

Pagbabago sa nakaraang Pista ng Nazareno

Ani Uy, noong 2023, ang Cagayan de Oro ang tanging lungsod na nagdaos ng Traslacion. Sa kabila ng mahigpit na implementasyon ng mga health at safety protocols matapos ang pandemya, tinatayang 110,000 deboto ang dumalo sa okasyon.

Sa taong ito, ayon kay Uy, na sa tantiya ng pamunuan ng kanilang simbahan ay inaasahang 18,000 deboto lamang ang makikisalo, dahil sa mga pag-aalinlangan ng ilan na pumunta, lalo na’t ang Traslacion ay magaganap sa isang weekday at hindi ito idineklarang holiday.

Iba pang aktibidad sa CDO

Matapos ang Traslacion, ang mga residente at bisita ay inaanyayahan ding makisaya sa Kuyamis Festival sa kalapit na Misamis Oriental, na magsisimula sa Enero 13.

Ang Kuyamis ay isang pagdiriwang na nagtatampok sa bunga ng niyog.

Pagsunod sa health protocols

Pinayuhan naman ng opisyal ang mga dadalo ng Traslacion na sumunod sa mga health protocols upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Ang prusisyon ay tumatagal ng 30 minuto hanggang isang oras, kaya’t kinakailangan ang pag-iingat at pagsunod sa mga ipagbabawal ng lokal na pamahalaan. (JCO/PIA-NCR)

(Kuha mula sa PIA-NCR Facebook page)

In other News
Skip to content