PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nirekomenda na sa Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang pagpasailalim ng lungsod sa “state of calamity.”
Ito ang napagdesisyunan sa pagpupulong ng Puerto Princesa CDRRMC noong Pebrero 10,2025 na pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron bilang chairman ng CDRRMC matapos na idaan ito sa resolusyon ns inaprubahan ng mga miyembro ng Konseho. Ang rekomendasyon ay batay sa ulat ng mga miyembro ng CDRRMC.
Sa inisyal na tala ng City Social Welfare and Development Office, nasa 18 barangay ng lungsod ang malubhang naapektuhan ng pagbaha, kung saan 1,402 pamilya na binubuo ng 5,235 indibidwal ang nasa 17 evacuation centers.Binigyan ang mga ito ng family food packs, hot meals at beddings para sa mga bata at kapapanganak na mga sanggol.
Sa ulat naman ng City Agriculture Office, nasa 1,355 na magsasaka ang naapektuhan ng pagbaha, kung saan ang kanilang mga pananim na malapit na sanang anihin ay nalubog sa baha. Tinatayang nasa 797 na ektaryang taniman ng palay at mga high value crops ang nasira ng baha.
Ayon kay City Agriculturist Melissa Macasaet aabot sa P120 na milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura kung ibabatay sa farm gate price.
Sa sektor naman ng pangisdaan, nasa P1.2 na milyon ang halagang nawala sa mga mangingisda sa lungsod na naapektuhan ng sama ng panahon.
Agad namang isusumite sa Sangguniang Panlungsod ang rekomendasyon ng CDRRMC upang matalakay sa regular ng sesyon ng Sanggunian ngayong Pebrero 11.
May nakahandang namang P86 milyong quick response fund ang pamahalaang panlungsod upang itulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha kapag aprubado na ang deklarasyon ng state of calamity. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan/Rescue pictures from Philippine Coast Guard-Palawan)
