Change of Command Ceremony ng 4IB (Scorpion) Battalion, isinagawa


Buo ang suportang ipinagkaloob ng mga opisyales mula Mindoro sa bagong pamunuan ng 4th Infantry (Scorpion) Battalion partikular sa usaping pangkapayapaan sa isla.

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Masidhi ang kagustuhan ni bagong Acting Commanding Officer ng 4th Infantry (Scorpion) Battalion Lieutenant Colonel Antonio P. Yago INF (GSC) na isulong ang mga programa at usapang pangkapayapaan sa timog na bahagi ng isla ng Mindoro.

Ito ang naging pahayag ni Lieutenant Colonel Yago sa ginanap na Change of Command Ceremony kamakailan sa 4IB sitio Napisian, Brgy. Cambunang, Bulalacao, Oriental Mindoro.

Ayon pa sa mensahe ni Lieutenant Colonel Yago; maaasahan ng mga Mindoreño ang pagpapatuloy at pagpapaigting ng mga programang nasimulan hinggil sa usaping seguridad at pangkapayapaan sa Mindoro. Binigyang diin din nito na mas paiigtingin pa ang kampanya ng kasundaluhan kontra insurhensiya upang maiwaksi na ang matagal na problema dito.

Pinalitan ni Lieutenant Colonel Yago si Lieutenant Colonel Jeriko Roman P. Sasing kung saan naglingkod ito ng dalawang taon bilang Commanding Officer ng naturang Infantry Battalion. Malilipat ang naturang opisyales sa Division Training School ng 2nd Infantry Division. Taos-pusong pasasalamat naman ang ipinahatid ni Lieutenant Colonel Sasing sa lahat ng mga indbidwal na naniwala sa kakayahan nito na mamuno sa loob ng dalawang taon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Mindoro. Hinikayat din nito na mas paigtingin pa ang ugnayan sa mga key stakeholders upang higit na pagtibayin ang mga nauna nang nailapat na mga programa at proyektong pangkaunlaran para sa mga mamamayang apektado ng insurhensiya sa isla.

Samantala, nagkaloob ng tig-isang set ng kompyuter ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa pangunguna ni Gobernador Humerlito Bonz Dolor sa dalawang company ng  Philippine Army, ang Bravo at  Delta upang magamit ng mga ito sa pang administratibong gawain at upang makatulong sa konektibidad ng mga ito sa mga malalayong lugar. Bukod sa gobernadora, dinaluhan din ang gawain ni 2nd District Congressman Alfonso Umali, Jr. at mga opisyales mula sa Lokal na Pamahalaan ng Occidental at Oriental Mindoro. (JJGS/PIA MIMAROPA)

Larawan mula Oriental Mindoro PIO

In other News
Skip to content