LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Nagsagawa kamakailan ang Commission on Higher Education (CHED) Mimaropa ng ebalwasyon sa Colegio De Naujan (CDN) para sa aplikasyon ng huli sa karagdagang dalawang kurso.
Ayon kay CHED Regional Director Atty. Joselito Alisuag, bahagi ng institutional monitoring ang nasabing ebalwasyon upang mabigyan ng inisyal na permit ang CDN para sa inaaplay na mga pangunahing kurso na Computer Hardware and Servicing at Welding and Fabrication ng Bachelor of Technical – Vocational Teacher Education (BTVTEd).
Kasama ni Alisuag ang mga kinatawan mula sa Regional Quality Assessment Team na siya ring nag-inspeksiyon ng mga pasilidad ng naturang institusyon.
Samantala, matapos ang inspeksiyon ay agad nakipagpulong ang pinuno ng CHED kay Mayor Henry Joel Teves at kay College Administrator Dr. Donato Bueno para pag-usapan ang iba pang mga detalye ng nasabing aplikasyon. Gayundin, umaasa sina Teves at Bueno na makakapasa ang paaralan upang makatulong sa mga kabataan ng Naujan na matupad ang kanilang mga pangarap para sa kanilang pamilya at kinabukasan. (DN/PIA Mimaropa-OrMin/Naujan PIO)