PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Mahigit 300 na mga bata ang nabakunahan sa bayan ng Bataraza at Rizal kaugnay sa isinagawang paglulunsad ng programang “Chikiting Ligtas” o ang Measles, Rubella-Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MROPV-SIA) nitong Mayo 2, 2023.
Ang nasabing paglulunsad ay pinangunahan ng Provincial Health Office, Departmen of Health (DOH)-Palawan Office at Municipal Health Offices ng dalawang munisipyo.
Layunin ng “Chikiting Ligtas” na mabigyan ng bakuna ang mga batang nasa edad 0-59 na buwang gulang kontra sa sakit na measles, rubella at polio na maaaring pagmulan ng mas delikadong mga komplikasyon kung hindi matutugunan nang maayos.
Kasama rin sa pagbabakuna ay ang Health Caravan kung saan iba’t-ibang serbisyong pangkalusugan ang inihatid sa dalawang munisipyo gaya ng Dental Services, TB Screening and Treatment, Family Planning Services, HIV Screening, Malaria Smearing at Bednet Distribution, Leprosy Screening-Kutis Kilatis, Nutrition Program Services at pagbibigay ng Vitamin A sa mga batang nabakunahan. (OCJ/PIA-Palawan)
Ang mga bata na nakiisa sa isinagawang paglulunsad ng ‘Chikiting Ligtas’ sa Palawan habang nakasuot ng iba’t-ibang costume. (Mga larawan mula sa Palawan PHO)