BAGUIO CITY (PIA) — Mahigpit na nagbabala si Ricky Ducas, Coordinator ng Baguio City Health Services Office Mental Health and Wellness Unit, sa publiko na huwag samantalahin o abusuhin ang pagkuha ng person with disability (PWD) identification card kung wala naman talaga silang disabilidad.
Ayon kay Ducas, may ilan na rin silang nahuli na nag-apply ng PWD ID pero wala naman talaga silang disabilidad at gusto lang itong samantalahin.
“Stern warning po ito sa public po na huwag po nating abusuhin ‘yung mga pribilehiyo na para sa mga totoong taong may kailangan talaga,” si Ducas.
Inihayag naman nito na pinapalakas nila ang kanilang awareness campaign ukol sa psychosocial disability. Saklaw ng psychosocial disability ang physical, mental, emotional, social, spiritual, at cultural aspect ng isang tao.
Pinatotohanan ni Ducas ang obserbasyon ng mga establisyemento na tumataas ang bilang ng mga may psychosocial disability. Aniya, dahil ito sa tumataas na awareness at health-seeking behavior pagdating sa mental health.
“It is increasing and there is something that we can do, there’s accessibility of help. Unlike before, it’s alarming because hindi po accessible sa mga tao ‘yung tulong, ngayon, hindi na po,” ani Ducas.
Sinabi rin nito na mayroong pa ring stigma pagdating sa mental concerns kaya puspusan ang kanilang kampanya upang ma destigmatize at maging normal na pag-usapan ng lahat ang mental health gaya ng sa diabetes at high blood.
“Let’s start working into a community wherein compassion is at the middle of each and everyone’s family, wherein a society that lead to a squarely assessing facts for our mental health. If you cannot help them, at least, don’t hurt them,” paalala ni Ducas. (DEG-PIA CAR)