LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang nagsilbing panauhing pandangal sa pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos.
Sa kanyang mensahe, sinabi niya na mapapanatili ang kalayaan ng Pilipinas kung magtataglay ito ng katangian ng isang matatag na bansang makatarungan.
Para sa kanya, hindi lamang isang pagdiriwang ang Araw ng Kalayaan kundi isa ring araw ng pagpapaalaala sa mga kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino sa mga responsibilidad nito para panatilihing malaya ang Pilipinas.
Una na rito ang pagtitiyak na gagamitin ng Korte Suprema ang kapangyarihan nito upang bantayan ang kalayaan.
Ibig sabihin, titiyakin na ang mga biyaya ng kalayaan ay napapakinabangan ng mga karaniwang mamamayan upang mamuhay nang masaya, maginhawa at may dignidad.
Gayundin ang pagbabantay kung nagagampanan ng estado sa pamamagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan, ang mga mandato o tungkulin upang pangalagaan ang taongbayan, lipunan at ang bansa.
Hinalimbawa ni Gesmundo na maituturing na matatag at makatarungan ang isang bansa kung nakakapagbigay ito ng hustisya o katarungang napapanahon at hindi nababalam.
Ito aniya ang pangunahing layunin ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027 na inilunsad kamakailan ng Korte Suprema.
Target nitong lubos na maging epektibo ang mga korte sa bansa sa pamamagitan ng inobasyon at bukas na pagtanggap sa makabagong teknolohiya.
Binigyang diin ng Punong Mahistrado na ibinatay ang mga reporma sa sangay ng hudikatura sa mga itinatadhana ng Saligang Batas ng 1899, na binalangkas at pinagtibay ng Kongreso ng Malolos sa kanilang mga sesyon sa simbahan ng Barasoain mula Setyembre 15, 1898 hanggang Enero 21, 1899.
Kinikilala niya na ang Saligang Batas ng 1899, o kilala sa tawag na Malolos Constitution ay pundasyon ng sumunod na apat na mga Saligang Batas ng Pilipinas.
Nagtakda rin ito ng landas na tinahak ng bansa sa nakalipas na 125 taon.
Pangunahin sa nilalaman ng Saligang Batas ng 1899 ang pagtatatag sa tatlong sangay ng pamahalaan na kinabibilangan ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura.
Nagsilbing tanggapan ng sangay ng hudikatura noong panahon ng Unang Republika ang kumbento ng simbahan ng Barasoain.
Ang mismong simbahan ay session hall ng Kongreso ng Malolos na sangay ng lehislatura habang nasa Katedral ng Malolos ang sangay ng ehekutibo kung saan naghimpil si noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo.
Bukod dito, nagpahayag din si Gesmundo na akmang-akma ang pagkakaimbita sa kanya bilang Punong Mahistrado, dahil dito sa simbahan ng Barasoain nagkaroon ng bisa ang proklamasyon ng Kalayaan noong Hunyo 12,1898, dahil sa ratipikasyon ng mga delegado ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 29, 1898.
Ito ang nagbunsod upang maging ganap na Republika ang Pilipinas noong Enero 23, 1899. (CLJD/SFV-PIA 3)
Si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo (pangalawa mula sa kaliwa) ang nagsilbing panauhing pandangal sa pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos. (Bulacan PPAO)